Default Thumbnail

P120K cash donation tinangay sa Pila

April 29, 2023 Gil Aman 184 views

TINANGAY ng dalawang suspek ang P120,000 cash na nalikom sana para sa isang “money contest” umano mula sa isang guro na paalis pa lamang ng kanilang tahanan, Biyernes sa Barangay Masico, Pila, Laguna

Batay sa ulat ng Pila Police Station, nagtungo sa kanilang himpilan ang biktimang guro na residente ng nasabing barangay.

Sinasabing para sa anak ng biktima sana ang perang kinuha ng mga suspek para sa nilahukang “money contest.”

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas 4:00 ng hapon (Abril 28) habang patungo sana sa paaralan ang biktima ng bigla na lamang lapitan ito ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na armado ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Sa salaysay ng guro, ang dalawang suspek ay nakasuot ng pawang itim na t-shirt, jacket, at helmet na sakay ng kulay itim na Yamaha Mio motorcycle na walang plate number na naghihintay sa labas ng kanilang tahanan.

Matapos makalabas ng kanilang tahanan, dito na umano nagdeklara ng holdup ang mga suspek saka tinangay ang handbag na naglalaman ng nasabing salapi pati ang isang cellphone.

Mabilis na tumakas ang mga suspek patungong Bgy. Oogong sa Sta. Cruz, Laguna.

Patuloy ang imbestigasyon at follow-up operation ng pulisya sa insidente.

AUTHOR PROFILE