P14M shabu, ecstasy ‘niluwa’ ng 10 QC suspects

May 24, 2021 Melnie Ragasa-limena 129 views

ARESTADO ang 10 drug suspects sa isang buy-bust operation matapos na makumpiskahan ng may 2.1 kilo ng shabu at ecstasy tablets sa Brgy. Tandang Sora, Quezon City, nitong Linggo ng tanghali.

Ang mga naarestong suspek ay nakilalang sina Eugene Paul Bernardo, 30, Grab rider, ng Sampaloc, Manila; Mannie Bacalangco, 47, online seller, ng Bgy. Rizal, Makati City; Arvin Jay Correa, 28, dog breeder, ng Sampaloc, Manila; Mark Ramirez, 33, motor shop owner, ng Sampaloc, Manila; Justine Venancio, 20, jobless, ng Sampaloc, Manila; Alexander Almeda, 19, jobless, ng Banawe Avenue, Quezon City; Franselle Nono, 35, cosmetic artist, ng Bgy. Tandang Sora; April Batac, 36, jobless, ng Carmona, Makati City; Stephanie Centino, 44, sales manager ng Brgy. Olympia, Makati City at Carina Trinidad, 37, housemaid, ng Sampaloc, Manila.

Nabatid na dakong alas-12:15 ng tanghali nang magkasa ng operasyon ang pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-National Capital Region (NCR), Quezon City Police District (QCPD) Talipapa Police Station 3 at iba pang law enforcement agency sa Block 1, Lot 23, Villa Rebecca Homes, Bgy. Tandang Sora matapos na makatanggap ng tip hinggil sa kanilang illegal na aktibidad.

Kaagad namang inaresto ang mga suspek matapos na magpositibo ang transaksiyon.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang tinatayang may 2.1 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P14.28 milyon; limang ecstacy tablets at mga drug paraphernalia.

Ang mga suspek ay pawang nakapiit na at nakatakdang sampaha ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.