Marlon

P10K pang-birthday kina lolo at lola

March 4, 2024 Marlon Purification 86 views

SINASALUDUHAN natin ang Mataas at Mabang Kapulungan ng Kongreso dahil sa ganap nang naisabatas ang ang Republic Act No. 11982 o ang “Expanded Centenarian Act na pinirmahan ng Pangulong Bongbong Marcos.

Partikular na binibigyang pugay natin dito ang may-akda ng panukala na si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr., na sinusuportahan at wala kahit isang senador ang tumutol na bigyan ng P10,000 ang mga lolo at lola na magdiriwang ng kaartwan sa edad 80 hanggang 99-taong gulang.

Literal na pang-birthday ito sa mga lolo at lola ang batas na ito na nagsasaad na ang bawat senior citizen na magse-celebrate ng kaniyang ika-80, 85, 90 at 95 na birthday ay tatanggap ng P10,000.

Nakasaad sa naturang batas ang pagkakaroon ng Elderly Data Management System na magiging basehan upang maging epektibong maipatupad ang mga probisyon ng batas.

Sa naturang data base itatala ang mga importanteng impormasyon sa bawat taong saklaw ng batas ay pangangasiwaan ng National Commission of Senior Citizens (NCSC), alinsunod sa Republic Act No. 11350 at sa kaukulang implementing rules and regulations (IRR) nito.

Ang NCSC naman ay makikipagkoordinasyon sa Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Information and Communications Technology (DICT), at mga local government units (LGUs) sa online registration ng mga benepisyaryo para mapasok sa Elderly Data Management System na ito.

Malaking tulong siyempre ang LGUs at mga barangay para magawa ito nang mabilisan.

Samantala, sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay isinusulong naman ni Speaker Martin Romualdez pagtataas ng P500 para sa buwanang diskuwento ng mga senior citizen at PWDs.

Nakasaad sa batas na ang mga senior ay binibigyan ng 5% discount. Sa ngayon ay P260 ang buwanang diskuwento sa groceries at mga pangunahing bilihin kaya nasa P65 ang lingguhang diskuwento. Kapag naging P500 ang kabuuang buwanang diskuwento, ang dating P65 kada linggong diskuwento ay magiging P125 na.

Kabilang sa binibigyan ng discount ang mga basic goods at pangunahing bilihin na araw-araw ginagamit tulad ng bigas, mais, tinapay, karne, isda, manok, itlog, mantika, asukal, gulay, prutas, sibuyas, bawling at fresh at processed milk, maliban sa medical grade milk. Kasama rin sa may discount ang processed meat, sardinas, corned beef maliban sa premium brands.