Default Thumbnail

Opisyales ng Barangay ang mukha ng pamahalaan

September 2, 2023 Magi Gunigundo 410 views

Magi GunigundoNAPAKAHALAGA sa isang demokrasya ang pagdaraos ng malinis na halalan sapagkat dito naipapakita ang galit o kasiyahan ng taong bayan sa mga pinunong hinalal sa pamahalaan. Ang taongbayan ang boss muli sa Oktubre 30,2023 sa halalan ng kapitan, kagawad at SK ng 42,027 barangay. Subalit marami sa mga boss ay mababa ang tingin sa puwesto ng kapitan at kagawad kaya hindi nila pinag-aaksayahan ng oras ang halalan ng barangay. Maling pananaw ito.

Si Kapitan lamang ang bukod tanging opisyal ng pamahalaan na may tatlong magkakaibang kapangyarihan at tungkulin sa ilalim ng Local Government Code: pang-ehekutibo, pang-lehislatura at pang-katarungan.Siya ang pinag-isang Presidente, Ispiker ng Kongreso at Presidente ng Senado, at Punong Mahistrado ng Korte Suprema.

Si Kapitan ang pangunahing tagapagpatupad ng mga batas at ordinansa sa barangay. Siya ang pangulo ng Sanggunian Barangay na nagpapasa ng badyet ng barangay at naglalabas ng mga kautusan at kapasyahan ng sanggunian. Siya rin ang ulo ng lupon ng katarungang pambarangay at hindi makapagsasampa ng kaso sa hukuman kung walang certificate to file action na makukuha ng magkabilang panig kung hindi napagkasundo ni Kapitan.

Bago pa umabot ang problema kay konsehal , mayor at kinatawan, si Kapitan ang unang nilalapitan ng tao sa problema sa asawa o sa anak, nawalan ng trabaho, hindi nahakutan ng basura, paghahanda sa piyesta, nanakawan, namatayan, ikakasal , atbp.

Samakatuwid, hindi biro ang kapangyarihan at tungkulin ng isang Kapitan at ng kanyang mga kagawad sa buhay ng taong bayan. Dahil dito, mali ang pananaw na kahit sino ay puedeng magkapitan o magkagawad. Bukod pa sa utak, kailangan din ng sikolohiyal at sosyal na kasanayan si Kapitan, at higit sa lahat may konsensiya at pagpapahalaga sa karapatan pantao.

Magmula 2018 ng huling nagdaos ng halalan pang barangay at SK, namalas natin ang bigat ng papel ng mga opisyal ng barangay sa OPLAN TOKHANG laban sa iligal na droga at ng pandemiya dulot ng Covid 19 na tumagal ng mahigit 2 taon. Sa gitna ng lockdown, maraming reklamo ang umalingawngaw sa ginawang pamamahagi ng ayuda para sa mga mahihirap, mga nawalan ng trabaho, at nagkasakit ng Covid. Kahit hindi kwalipikado, ang mga bata ni Kapitan at ng kagawad ay nakakuha ng ayuda samantalang ang mga kwalipikado ay na-etsa puwera.

Maliban pa rito, kailangan din suriin kung naging masinop ang paggamit ng pondo ng bayan para sa mabilis at mainam na serbisyo sa peace and order, health, public works, senior citizens, VAWC at katarungang pambarangay. Mayroon bang korapsyon na naganap halimbawa na ang mga nakatagong ghost employees at proyektong grabe ang ginawang kupit? Tuloy ang progreso ng mga nakaupo samantalang naiwanan sa kahirapan ang taong bayan.

Hindi hanga sila Socrates, Plato at Aristotle sa demokrasya sapagkat karamihan ng mga botante ay hindi kritikal mag-isip. Bukod pa rito , karamihan ay marupok kaya madaling madala ang emosyon ng pera at aliw na handog ng kandidato. Kahit niloloko na ng kapitan at mga kagawad , hindi makilala ng botante ang katotohanan sa mga pangako na puno ng kasinungalingan.

Marami ang napapaniwala ng fake news sa social media at mga kinakalat ng marites. Bukod pa rito, namamayagpag din ang anti-intelektuwalismo at smart shaming ng mga botante na kinamumuhian ang matalino, may matinong programa de gobyerno at may kakayahan mamahala ng pamahalaan samantalang niyayakap ang mapurol ang utak at dorobo pa na binibigay ang luho sa Zumba, basketball, miss gay, tupad, puhunan sa tindahan, at pamaskong handog.

Ang mga opisyales ng barangay ang mukha ng pamahalaan na unang humaharap sa taong bayan. Maliwanag na malaki ang papel ng Kapitan at mga kagawad sa iba’t ibang aspeto ng ating mga buhay. Kung mahal mo ang iyong mga apo, sipatin maigi ang mga kandidato para kapitan at kagawad dahil sila muli ang pipili ng bibigyan ng ayuda sa hinaharap. Kay saklap pagmasdan na ang kapitan at kagawad na pinapasweldo ng taong bayan para maglingkod sa kanila ang lumaki ang bahay at gumara ang sasakyan samantala nananatiling “tatlong kahig na, isang tuka pa lang” ang taong bayan na naghalal sa kanila.

AUTHOR PROFILE