Online exam sa LTO dapat lang tanggalin

October 3, 2022 Paul M. Gutierrez 249 views

PaulINANUNSIYO ng Land Transportation Office (LTO) na tatanggalin na nito ang pagkuha ng ‘online examination’ para sa mga magre-renew ng driver’s license o ang Comprehensive Driver’s Education (CDE) online validation exam.

Dahilan ng LTO, ito ay upang maiwasan na magamit umano ng mga ‘fixer’ ang CDE exam online para mas kumita ng malaki sa mga mapapa-renew ng kanilang mga lisensya.

Siyempre nauunawaan natin na dahil sa pandemya kaya napunta sa online lahat ng mga transaksiyon maging sa mga ahensiya ng gobyerno.

Ito ay dahil noon sa mga restriksyon sa paglabas ng mga tao at syempre para maiwasan na lalong magkahawaan at lumobo ang bilang ng mga tatamaan ng COVID 19.

Gayundin, maaaring sabihing bahagi na rin ito ng modernisasyon ng LTO na sumasabay sa takbo ng teknolohiya gaya ng iba pang mga ahensiya ng gobyerno.

Maganda nga naman kung tunay na makapagpapabilis at maging episyente ang trabaho ng nasabing ahensya.

Pero dahil sa nagsimula na ring magkaroon ng luwag sa paglabas at pagkilos ng mga tao may kakayahan na para pumunta sa mga LTO offices ang mga nais magpa-renew o kumuha ng lisensya; dapat talagang huwag gawing online exam sa pagkuha o pag-renew ng lisensya.

Simple lamang po, kailangang maging mahigpit ang LTO sa pagbibigay ng lisensya dahil sa buhay ng tao ang nakasaalang-alang dito.

Mahalaga po ang exam na ito para matiyak na ang ating mga motorista ay responsable at maingat kapag nakahawak na ng manibela.

Ito naman po ang dahilan kung bakit kailangan talaga ng exam na ito. Hindi po dapat talaga hinahayaan na hindi porke nakahawak ng manibela at nakapagpatakbo na ng ano mang sasakyan, puwede mo nang ituring na driver. Dahil alam ng bawat nagmamaneho na hindi lang simpleng marunong kang humawak ng manibela.

Maganda po ang layuning ito ng LTO na nagiging pro-active na huwag magamit ng mga fixer ang online exam– na talaga namang nangyayari na ngayon– kaya nais nilang tanggalin.

Pero kung may balak ang LTO na ibalik muli ang CDE online validation exam na ito ay kailangang tiyakin nila ang mga mekanismo para hindi sila madaya ng mga fixer. Dahil maniwala po kayo sa hindi napakagagaling po ng mga fixer na iyan dahil hanggang ngayon buhay na buhay pa rin ang mga iyan sa mga LTO offices.

Kayang-kaya nilang matutunang lusutan kahit ang CDE online validation exam na iyan. Kaya kung hindi magkakaroon ang LTO ng matindi-tinding mekanismo para matiyak na ang aktuwal na kumukuha ng lisensiya ay ang mismong taong nakapangalan ay huwag na munang ituloy ng LTO ng programang yan.

Kaya po pagdating sa exam na iyan kailangan po talaga hindi yan online. Dapat matiyak na ang mismong kumukuha ng exam ay iyong taong kumukuha talagang lisensya. Marami na pong driver ang walang disiplina sa kalsada, huwag na sana nating dagdagan pa.

Hindi na po natin gugustuhin na may mga makasabay tayong nagmamaneho sa kalsada na mga simpleng marka sa daan o traffic signs ay hindi nila alam.

Hindi bale sana kung sila ang maaaksidente pero malamang na mandamay pa ang mga iyan. Mas lalong masaklap kung higit pa sa ari-arian ang masira, paano kung buhay ang nawala?

Kaya naman sana po ay makitaan natin ang LTO ng higit na pangil pagdating sa mga fixer sa mga opisina nila.

Dahil po nakakarinig pa rin po tayo ng mga ganyang kwento na nagagawa ng mga fixer. At yamang ang dahilang ginamit ng LTO sa pagtatanggal ng CDE online exam ay mga fixer, malinaw po na buhay na buhay pa rin ang mga iyan diyan.

Sa totoo lang kung bakit buhay pa rin ang mga fixer sa LTO dahil may mga kakilala ang mga iyan sa loob.

Kilala ng mga taga-LTO ang mga fixer na iyan. Sa madaling salita magkakakilala ang mga iyan at malamang parehong kumikita sa kahit anong transaksyon sa mga tanggapan ng LTO.

Kaya kung hindi po magiging mas matapang ang LTO sa pagsugpo sa mga fixer ay paulit-ulit po tayong makakarinig ng mga aksidente sa kalsada dahil ang may hawak ng manibela ay hindi totoong driver.

May lisensya pero hindi naiintindihan ang pagiging responsableng driver.

AUTHOR PROFILE