Sintido-kumon sa NIA

October 3, 2022 Allan L. Encarnacion 438 views

Allan EncarnacionNAISULAT ko na rito ang kakaibang National Irigation Administration (NIA) noong panahon ng matandang Marcos.

Kaya mataas ang rice production natin at maraming agricultural crops sa Marcos era ay dahil sa episyenteng NIA management. Sobrang bastante ng supply ng tubig para sa mga magsasaka at makikita mong prayoridad ng pamahalaan ang food security noong mga panahong iyon.

Pagkatapos ng 1986 people power, unti-unti nang nabura sa kamalayan ng publiko ang NIA, hindi na isinama ang food security sa kanilang mga programa kaya ang naging resulta, importasyon na lang ang bumuhay sa ating merkado. Lumiit na ang porsiyento ng mga kabukiran at maraming magsasaka ang nag-iba na ng hanapbuhay.

Maraming mga farm land ang converted na sa housing at mga mixed developments dahil na rin sa kapabayaan ng mga nagpasalin-salin na administrasyon ng gobyerno at maging sa NIA.

Aminin man hindi ng mga nakalipas na NIA leadership, pinabayaan nila ang irigasyon ng ating kabukiran kaya bagsak ang ating produksiyon mula sa bigas, gulay hanggang sa mga panahog nating bawang at sibuyas.

Nitong nakalipas na paghataw ng bagyong Karding, nakita natin ang kakaibang approach ni NIA Administrator Benny Antiporda. Aaminin ko sa inyo, sobrang malapit kami ni Antiporda dahil halos tatlong dekada na kaming magkaibigan.

Nagulat din ako sa kaya niyang gawin sa ahensiya dahil noong magkakasama kami, puro press freedom, tawanan at kalokohan lang namam ang usapan namin kapag nagkikita kami. Ang huling seryosong usapan namin ay noong maglunsad ng malaking protesta ang National Press Club laban sa Proclamation 1017 ni dating Pangulong Arroyo. Nauto ko nga sila, matapos ko silang galitin, bilang protesta sa proklamasyon, nagpakalbo sila dating NPC President Antiporda at Press Usec Marlon Purificacion at iba pa naming mga kasamahan, pero ako hindi!

Pero dito sa NIA, nakita ko ang kakaibang Benny Antiporda na alam lahat ang kanyang sinasabi tungkol sa problema at solusyon sa irigasyon. Nakita rin natin siya noon na Usec ng DENR na nanguna sa pag-aayos ng Manila Bay na ngayon ay tinawag na dolomite beach.

Si Antiporda rin ang nagbabalang ipasasara ang mga 5-star hotels at mga malalaking restaurant sa Roxas Boulevard dahil sa pagtatapon ng kanilang mga untreated water waste sa Manila Bay.

Kaya nga nagkumahog lahat ang mga hotel at restaurant operators na ipaayos ang kanilang mga waste water disposal sa pamamagitan STP or Sewage Treatment Plant.

Iyong dolomite beach na binabatikos ng iba noon ay nakita nating malaking pakinabang sa kaayusan ng Manila Bay. Iyong mga bumabatikos ay sila ngayon ang nakikinabang sa ganda ng dolomite beach. Mas gusto na natin ang dolomite beach na ito kaysa mga basura sa pampang ng Manila Bay.

Ang isa pang pinamunuan ni Benny ay ang Boracay Rehabilitation project na noong una ay nag-aamok din ang iba dahil isasara ang crown jewel ng ating turismo. Matindi lang talaga ang political will ni former President Duterte kaya nangyari ang dolomite beach at ang paglilinis sa Boracay.

Pasensiya na kay DENR Secretary Loyzaga, wala pa tayong nakikitang significant project niya na pakikinabangan ng bayan, bagama’t dalawang buwan pa lang naman siya. Sana lang mahigitan niya iyong mga nagawa ni former DENR Undersecretary Antiporda.

Balik tayo sa NIA, iyong water ways/canal na sinira ng bagyong Karding ay agad mapapakinabangan dahil sa immediate solution ni Antiporda. Para kay Benny, hindi kailangan ng matagal na budget planning, engineering intervention at kung anu-ano pang Einstein scientific approach para mapadaloy ulit ang tubig sa mga bukirin.

Inatasan ni Antiporda ang lahat ng Regional Managers at mga Irrigation Management Officers na iyong mga parte ng sirang canal ay lagyan muna ng mga trapal at mga improvised metal para tumakbo na ang tubig papunta sa mga bukid.

Habang inaayos pa ang mga rehabilitation plans, fundings at malamang biddings na tatagal pa ng maraming buwan, may magagamit na agad para sa irigasyon. Tama rin naman!

Iyon talaga ang wala sa ibang nasa pamahalaan, iyong common sense.

Kaya na-culture shock ang maraming taga-NIA dahil ngayon lang sila nakakita ng hepe na ang bitbit sa meeting ay solusyon at hindi problema.

Keep it up, Administrator Antiporda, malaki ang pakinabang sa iyo ng bayan!

allanpunglo@gmail.com