Ogie at Karylle gustong makasama ang mga dating kasamahan

March 26, 2024 Aster Amoyo 83 views

EMOSYONAL sina Ogie Alcasid at Karylle sa kanilang pagbabalik sa Kapuso Network, matapos ang contract signing ng “It’s Showtime” na mapapanood na ito sa main channel ng GMA-7.

Si Ogie, umaasang magkaroon ng “SOP” reunion sa noontime show.

“Naluluha ako because of joy. Dito ako nanggaling noon, tapos ito at nakabalik ako. It’s an emotional journey. Sino ba ang makakapagsabi? Only God,” sabi ni Ogie.

Hiling ni Ogie na muli niyang makasama ang kaniyang co-hosts sa “SOP,” na dating variety show ng Kapuso Network tuwing Linggo.

“Maganda, magsama-sama kami for a great production number, we can relieve the old SOP days, that would be nice. Maybe nandiyan sina Jolina (Magdangal), sina Janno (Gibbs), Regine (Velasquez), Jaya. Maybe gagawin ko ‘yun sa birthday ko,” saad ni Ogie.

Labis din ang tuwa ni Karylle sa kanyang pagbabalik-Kapuso.

“For me personally it’s almost like a homecoming also because I was welcomed back by the Kapuso bosses and I felt talagang very, very special and very, very welcome.”

Pumirma ng kontrata ang “It’s Showtime” sa Kapuso Network kung saan mapapanood na sila sa main channel nito simula Abril 6.

Bukod sa main channel, mapapanood din ang It’s Showtime sa GMA Pinoy TV, habang patuloy din itong ini-ere ng GTV.

Nagsimulang mapanood ang “It’s Showtime” sa GTV channel ng GMA noong nakaraang Hulyo.

Paolo bukas kung iimbitahang sumali sa ‘It’s Showtime’

PaoloINIHAYAG ni Paolo Contis na masaya siya para sa noontime program na “It’s Showtime” na may bago nang tahanan at ipapalabas na rin sa GMA-7.

Kabilang si Paolo sa mga Sparkle artist na dumalo sa birthday celebration ng mga kapwa niya Kapuso na nagdiwang ng kaarawan sa buwan ng Pebrero at Marso.

Natutuwa ang aktor na nakasalamuha niya ang iba pang Sprakle artists.

“Dapat nagkakila-kilala lahat ng mga actor at least when they get to work together magkakakilala na kayo,” pahayag niya.

Kabilang sa 26 celebrants sa nasabing mga buwan sina Glaiza de Castro, Paolo, Klea Pineda, Nadine Samonte, Rocco Nacino, Sherilyn Reyes, at marami pa.

Nang matanong si Paolo tungkol sa nangyaring contract signing kamakailan para maipalabas sa GMA-7 ang “It’s Showtime,” sinabi ng actor na bukas siya na makatrabaho ang mga host sa naturang programa dahil kaibigan niya ang marami rito kabilang sina Ogie Alcasid, Vhong Navarro, at si Vice Ganda.

“Oo, work is work. And I’m very happy na mayroon silang lugar,” sey ni Paolo.

Ahron nakaramdam ng abuso

NAGING bukas si Ahron Villena sa naging karanasan niya na ma-“exploit” o mapagsamantalan noong nagsisimula pa lang siyang mag-artista.

Napag-usapan ang pagiging komportable ni Ahron sa kanyang katawan gaya nang ginawa niyang pagpapalagay ng “oil” sa isang sexy pictorial.

Paliwanag ng aktor, ginagawa niya na mapanatiling maganda ang kanyang pangangatawan hindi para pagpantasyahan ng iba kung hindi para magkaroon din ng confidence sa sarili lalo na kung nagkaka-edad na.

Pagdating sa pictorial, sinabi ni Ahron na kilala niya ang mga kasama niya sa photoshoot kaya komportable siya sa mga ito na hindi siya ma-e-exploit kahit pa pinapahiran siya ng oil sa katawan.

Gayunman, inilahad ng aktor na naranasan niyang maabuso nang may ginagawa siyang pelikula at kailangan niyang maglagay ng “plaster” sa maselang bahagi ng kaniyang katawan.

“Kailangan kong mag-plaster, and then cameo role lang ako doon sa movie na iyon. Tapos hinanap ako and then pagpasok niya, sabi niya, ‘O bakit sila naglalagay niyan? Ako na maglalagay niyan,'” balik-tanaw ni Ahron na nangyari noong bago pa lang siyang artista.

“Sabi ko, ‘O sige po.’ Tapos feel ko parang may something, pero hindi ako umangal. I was too young and siyempre, kumbaga sa industry natin baka sabihin, ‘Ang arte naman ni Ahron.”

Nang tanungin si Ahron kung pakiramdam niya ay naabuso siya nang sandaling iyon, sagot ng aktor: “That time.”

Hindi tinukoy ni Ahron kung sino ang naglagay sa kanya ng ng plaster at kung anong pelikula ang ginawa niya nang panahong iyon.

AUTHOR PROFILE