Default Thumbnail

Odette victims binigyan ng P67M ng NHA

December 23, 2023 Jun I. Legaspi 159 views

NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA) ng P67.45 milyong tulong sa 6,745 pamilyang biktima ng super typhoon Odette noong Disyembre 2021 sa Cebu.

Nakatanggap ng P10,000 ang bawat pamilya mula sa Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng NHA para makatulong sa pagpapaayos ng mga nawasak na bahay ng mga biktima dahil sa bagyo.

Layunin ng EHAP na matulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng mga kalamidad, kasama rin ang mga pamilyang biktima ng sunog, pagguho ng lupa, baha at lindol.

Pinangunahan ni NHA Cebu District Office Officer-in-Charge Engr. Dante U. Estrobo, bilang kinatawan ni Joeben Tai, general manager ng NHA, ang pamamahagi na nagsimula noong Disyembre at magpapatuloy hanggang sa Disyembre 28, 2023.

Kabilang sa mga nabahagiang pamilya ang mula sa 17 na barangay ng Mandaue City, Cebu. Ito ang Brgy. Alang-Alang, Basak, Cabancalan, Canduman, Casili, Casuntingan, Centro, Cubacub, Guizo, Ibabao, Jagobiao, Maguikay, Mantuyong, Pagsabungan, Tabok, Tawason at Tingub.

Hinagupit ng super bagyong Odette ang Pilipinas noong Disyembre 16, 2021, at isa sa mga pinakamatinding tinamaan ang Cebu kung saan 31,607 na pamilya ang lubhang naapektuhan.

AUTHOR PROFILE