Obrero nangholdap ng 7/11 bago mag-ECQ, huli

August 5, 2021 Melnie Ragasa-limena 222 views

NASAKOTE ng pulisya ang isang holdaper habang nakatakas ang limang kasamahan na nangholdap umano sa isang convenience store sa Quezon City, nitong Miyerkules ng madaling araw.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBRIG General Antonio Yarra ang nadakip na si Aladin De Guzman, 21, construction worker, at residente ng 2716 Enriquez Compound, Rosario, Pasig City.

Kinilala naman ng nahuling suspek ang lima niyang kasamahan na nakatakas na sina Boyong Salisi Bar, 27, ng Binangonan Rizal; Anjo Aguilar, 25; Avan Cabanban, 19, kapwa nakatira sa Pasig City; Jericho De Jesus, 23, at Joshua alyas Pilay, 30, parehong residente ng Binangonan Rizal.

Ayon kay Project 4 Police Station Commander PLt. Col Melchor Rosales, dakong alas- 5:30 ng madaling araw (August 4) nang maganap ang panghoholdap sa 7/11 convenience store na matatagpuan sa J. P. Rizal St., Barangay Marilag, Project 4, sa lungsod.

Sa pahayag ni Jayson Rivas, 33, store clerk, pumasok ang anim na kalalakihan at agad siyang tinutukan ng improvised gun at sinabihan siya na ilagay ang lahat ng pera sa dalang bag pack.

Tiyempo naman na naroon malapit sa lugar si Police Corporal Raffy Arellano na naka-duty nang maganap ang holdapan dahilan upang madakip si De Guzman subalit nagawang makatakas ng mga kasamahan nito.

Narekober mula sa suspek ang 10 piraso ng P50 bill, apat na piraso na P20 bill, mga coins,improvised short firearm na may live ammunition na 12 gauge shot gun, 2 cellphone at 2 plastic sachet na naglalaman ng shabu.

Nakapiit na ang suspek at nahaharap sa kasong Robbery at paglabag sa Section 11 ng RA 9165.