Shabu nakuha sa bangkay ng pinagbabaril na lalaki sa QC

August 5, 2021 Melnie Ragasa-limena 269 views

NATAGPUAN ang isang sachet ng shabu mula sa palad ng isang 37-anyos na lalaki na pinagbabaril hanggang sa mapatay sa Quezon City, nitong Miyerkules ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Rocky Villaruel, 37, walang asawa, jobless, at naninirahan sa Jobel 3, Subdivision, Rodriguez Rizal.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-9:00 ng gabi (August 4), nang maganap ang insidente sa eskinita malapit sa No. 127 Fortune St. Freedom Park 3, Barangay Batsan Hills, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Angel T Pascasio III, isang nakilalang Analyn ang nagsabing matutulog na sana siya nang makarinig ng mga putok ng baril.

Dahil dito sy sumilip umano si Analyn sa kanilang bintana at doon ay nakita niya ang duguang nakabulagtang biktima habang kaswal na naglakad lamang sa eskinita ang dalawang lalaki na armado ng baril, nakasuot ng itim na jacket, maong pants, naka-cap, at kapwa nakasuot ng facemasks at tumakas.

Nakasamsam ang SOCO Team sa pamumuno ni PLt. John Agtarap ng limang fired cartridge cases, fragment metal jacket, isang sachet ng shabu na hawak ng biktima sa kaliwang kamay, at tatlo pang sachet ng shabu sa loob ng wallet nito.

Masusi pang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may kinalaman sa iligal na droga ang ginawang pagpatay sa biktima ng mga salarin.