Default Thumbnail

NPA patay, 1 sugatan sa bakbakan sa Butuan City

January 7, 2023 Zaida I. Delos Reyes 218 views

ISANG miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasawi habang isa pa ang nasugatan sa pakikibakbakan

sa tropa ng militar nitong Biyernes ng hapon sa boundary ng Barangah Taligaman af Bugsukan, Butuan City.

Gayunman, patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng nasawi at nasugatang rebelde.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang 65th Infantry Battalion kaugnay ng presensiya ng mga rebelde sa lugar kung kaya’t agad silang nagsagawa ng pagpapatrulya.

Habang nagsasagawa ng patrol operation ay nakasagupa ng mga sundalo ang isang grupo ng rebelde.

Tumagal ng mahigit 20 minuto ang bakbakan hanggang sa magsitakas ang mga rebelde patungo sa iba’t ibang direksyon at iniwan ang kanilang nasawi at nasugatang kasamahan.

Nakuha din mula sa pinangyarihan ng bakbakan ang dalawang AK-47 rifles, isang M16 rifle, isang M203 grenade, mga bala, detonating cord, limang mobile phones, mga suberrsibong dokumento at mga personal na gamit.

Pinuri naman ni 65IB commander Lt.Col. Michael Mortejo ang mga residente sa pagiging alerto at pakikipagtulungan sa militar upang mapigilan ang paghahasik ng karahasan ng mga rebelde.

“The 65IB will continue to provide security to ensure the safety of the residents of Butuan City, especially those in the remote areas,” pahayag ni Mortejo.

Nanawagan din si Mortejo sa iba pang rebelde na sumuko na lamang at magbalik-loob sa gobyerno upang magkaroon ng kapayapaan sa bansa.