Default Thumbnail

No to kudeta, no to power grab!

January 10, 2023 Allan L. Encarnacion 191 views

Allan EncarnacionHINDI na makakabangon ang ating bansa kung magkakatotoo ang military adventurism.

Ang mga pinakalat ni Marites na kudeta nitong weekend ay hindi makatutulong sa pagbangon ng ating ekonomiyang pinadapa ng pandemya sa nakaraang dalawang taon.

Walang matinong sundalo or pulis ang tingin ko na susuporta sa anumang planong pagpapabagsak sa administrasyong Marcos. Ang anumang personal interest ay hindi dapat nangunguna dahil alam naman natin kung saan tayo nanggaling.

Ngayon pa lamang nagbubukas ang mga negosyo, kauumpisa lang ng ating mga kababayan na makabalik sa trabaho. Marami pa ring kompanya ang hindi pa nakakabawi sa pagkalugi, marami pa rin ang mga walang trabaho. Ang sektor ng edukasyon ay nagsisimula pa lang ding magbalik sa normal.

Huwag nating kalilimutan na ang pagsasara ng mga paaralan at ang pag-iral ng online classes ay nagpahina sa mga produkto nating mga mag-aaral. Kailangan nating maibalik sa silid-aralan at sa mga actual training ang ating mga estudyante upang may masandigan ang ating bansa sa hinaharap.

Ang implikasyon ng kudeta ay panibagong dagok sa bansa na magdudulot ng pagsasara ng mga paaralan, pagtigil ng maraming negosyo, pagbagsak ng stock market at kawalang katiyakan sa lahat ng mga Pilipino.

Pagod na ang mga kababayan natin sa gulo ng pulitika, hindi na rin nila susuportahan ang anumang pagkilos na huhudyat ng pagkakawatak-watak. Totoo namang hindi tayo magkakatulad ng pulitikal na paniniwala, alam din nating lahat na magkakaiba tayo ng ibinoto sa nakaraang eleksiyon.

Palagi kong sinasabi, maaring magkakaiba ang bangka na ating sinasakyan subalit huwag nating kalilimutan na sa iisang karagatan lamang tayo sumasagwan. Iisa lamang ang bansa natin, iisa lang ang ating bandila.

Kailangan nating suportahan ang administrasyong Marcos dahil ang pagtatagumpay ng kanyang liderato ay katagumpayan nating lahat.

Kung sino man ang grupong nagpaparingas ng kaguluhan ay dapat matukoy upang makondena nating lahat ang kanilang mga plano.

No to kudeta, no to power grab!

[email protected]