Ibay Kinilala ni Manila Police District chief P/BGen. Arnold Thomas Ibay ang suspek sa panghahalay matapos na matimbog sa Cavite. Kuha ni Jon Jon Reyes

Ninong suspek sa rape ng minor, tiklo

March 4, 2024 Jonjon Reyes 96 views

ARESTADO kamakailan ang suspek sa statutory rape matapos umanong manghalay ng kanyang menor-de-edad na inaanak sa Soriano Highway, General Trias, Cavite City.

Nakilala ang naaresto na si alyas Kuya Ayit, 36, ng Sampaloc, Maynila.

Inaresto ang suspek sa pangunguna ni P/Capt. Veronica Apresurado, hepe ng Women and Children’s Concern Section (WCCS) ng Manila Police District matapos mag issue ng warrant of arrest si Judge Jacqueline Martin-Balictar, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 9 ng Manila.

Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang paglaya ng akusado.

Ayon kay Apresurado, nagsagawa sila ng surveillance at validation para malaman na talagang nagtatago ang suspek sa Cavite.

Base sa imbestigasyon ng WCCS, kalaro pa ng kanyang anak ang menor-de-edad na biktima na inaanak pa niya.

Todo tanggi ang suspek sa paratang ngunit aminado na hinipuan ang biktima.

Sa pagsusuri sa rekord ng suspek, lumitaw na mayroon din itong kinakaharap na kasong acts of lasciviousness para sa iba pang insidente.

AUTHOR PROFILE