Default Thumbnail

NIA administrator Benny Antiporda dapat suportahan

November 17, 2022 Paul M. Gutierrez 336 views

PaulTULUYAN na ngang sinuspinde ng Ombudsman ni OMB Samuel Martires, si National Irrigation (NIA) Administrator Benny Antiporda dahil sa iba’t ibang mga reklamo. Kabilang sa mga isinampang reklamo sa kaniya ang grave misconduct, harassment, oppression, ignorance of the law at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Unang-una sa lahat, alam po natin dahil sa matagal na po nating kilala at nakasama si Antiporda mula sa pamamahayag hanggang sa kaniyang pagkakatala sa gobyerno sa ilalim noon ni dating Pangulong Duterte at ngayon ay sa administrasyong Marcos, na ang mga kasong ito ay politically motivated o gawa-gawa lamang.

Dahil alam po natin at nasaksihan din ng publiko kung ano ang mga repormang ginagawa ngayon ni Antiporda sa NIA at may mga nakabangga na siya sa hangaring malinis ang ahensiya sa katiwalian.

Marami rin ang nagulat sa mabilis na aksyon sa reklamo kay Antiporda sa kabila ng katotohanan na maraming isinampang reklamo sa OMB na hanggang ngayon hindi umano gumagalaw.

Kabilang na rito ang kanyang mga naunang reklamo sa ilang opisyal ng NIA kung saan daang milyon piso ang pinag-uusapan. Sa kaso sa kanya, walang bintang na paglustay niya ng kahit pisong duling na pondo ng gobyerno.

At hanggang ibinaba ang kanyang suspensyon nitong Lunes, eh, hindi man lang niya nakita ang kopya ng reklamo laban sa kanya!

Alam po natin at kailangan nating aminin kung nais nating masolusyunan ang problema sa korapsiyon ay harapin na talagang may nangyayaring korapsiyon sa gobyerno. Walang Pilipino malamang ang maniniwalang walang korapsiyon na nangyayari ngayon. Katunayan, sa mga pag-aaral na isinagawa, bilyun-bilyong piso ang nawawala sa gobyerno dahil sa korapsiyon taun-taon.

Hindi na bago kay Antiporda ang mga galawan ng korapsiyon sa gobyerno. Mula pa noong aktibo pa siya sa midya at lalo na nang magsimula siyang manungkulan sa gobyerno.

Sa kaniyang maagang pamumuno, may mga inireklamo na rin si Antiporda sa NIA at kabilang na nga dito ang isa sa mga nagreklamo sa kanya.

Kabilang din (daw) sa nagreklamo ang NIA Employees Association (NIAEASP). Pero sa pahayag ni Eduardo G. Yu, pangulo ng NIAEASP, itinatanggi ang nasabing reklamo umano nila laban sa pinuno ng NIA. Sa kaniyang naging pahayag nitong Miyerkules, Nobyembre 16, solido ang kanilang suporta sa liderato ni Antiporda.

Noong unang NIA board meeting na dinaluhan umano ni Antiporda, sinubukan siyang papirmahin umano sa isang kontrata na mahigit P200 milyon para sa irigasyon na kaniyang tinanggihan.

Hinihimok din umano si Antiporda na aprubahan ang isang proyekto na mahigit P800 milyon upang “i-automate’ ang mga dam sa bansa pero tumanggi siya dahil walang lohika ang panukala at hindi makikinabang ang mga magsasaka.

Ayon mismo kay Antiporda, bagamat may iilang mga korap na tao sa NIA ay organisado naman ang mga ito.

Ang “maganda” lamang dito ani Antiporda sa nangyayari sa kaniya, nakikita ngayon ng publiko na maaari palang kumilos ang OMB nang mabilis sa isang reklamo kung gugustuhin nito. Pwede naman pala iyon.

Ngayon na nandiyan ang suspensiyon, sana lamang ay magkaroon ng malalaliman at patas na imbestigasyon.

Iyan ang hirap minsan sa gobyerno, nais mong linisin at ayusin pero dahil may mga taong matagal nang nakikinabang at pinagkakakitaan ang dapat sana ay serbisyo publiko nasasampahan ng kaso ang mga kagaya ni Antiporda.

Pero kahit ano pa ang ireklamo ninyo kay Antiporda, hindi ninyo siya kaya dahil hindi siya ang problema dito. Siya ang nagtatrabaho para masolusyunan ang problemang matagal nang pinakikinabangan ng ilang mga tiwala d’yan sa NIA.

Abangan!

AUTHOR PROFILE