Netizens, nangilabot sa teaser ni Joey, Bayani, inalok mag-host ng bagong ‘EB’
Nangilabot ang netizens sa maikling video clip na in-upload ni Joey de Leon sa kanyang social media accounts kahapon na tila teaser ng nalalapit na pagbabalik ng TVJ at legit Dabarkads sa telebisyon.
Background music nito ang original na Eat Bulaga theme song na mismong si Vic Sotto ang nag-compose.
Ipinakikita rin dito ang iba’t ibang lugar sa Pilipinas gaya ng Batanes, San Juanico Bridge, atbp., tanda ng kasikatan ng longest-running noontime show hindi lang sa bansa kundi maging sa buong mundo.
Kaso, putol at bitin ang kanta pagdating sa parte na may linyang “Eat Bulaga.”
Kaya pahulaan pa rin sa netizens kung ano nga ba ang magiging titulo ng show ng TVJ at ng legit Dabarkads sa bago nilang tahanan, ang TV5, lalo pa nga’t nariyan pa ang pinagtatalunang copyright/trademark issue.
Magkaganu’n man, puro excited at positive naman ang komento ng netizensa socmed post ni Joey, na nagsabing, “Buong bansa… buong daigdig.. NAGHIHINTAY” sabay lagay ng heart emoji.
Ilang celebrities ang nag-react sa comments section tulad nina Maja Salvador, Miles Ocampo, Jopay Zamora (dating miyembro ng Sex Bomb), atbp.
Speaking of TVJ at ang legit Dabarkads, balitang majority ng corporate sponsors ng dating show ay magsusunuran mula GMA-7 papuntang TV5.
Kung paniniwalaan ang mga bali-balita, tinatayang 80 percent umano ng advertisers ng Eat Bulaga ang nagpasabi nang sasama sila sa paglipat ng TVJ sa TV5 simula sa Hulyo.
Ang mga naka-pre-book namang sponsors tulad ng Puregold, tatapusin lang umano ang slots na pinirmahan sa TAPE, Inc. ni dating Cong. Romy Jalosjos bago ito tuluyang iwanan.
Samantala, maugong din ang balita na inalok ng TAPE, Inc. ang komedyanteng si Bayani Agbayani na mag-host ng noontime show sa Siyete.
Wala pang sagot dito ang kampo ni Bayani dahil may sinasabi rin na sasama ito sa paglipat ng LOL (Laugh Out Loud) ng Brightlight sa Net25.
Wala umanong kontrata ang komedyante sa Brightlight man o Net25 kaya nasa kanya ang huling desisyon kung kakagatin niya ang offer ng TAPE, Inc.