Default Thumbnail

Negosyante tumanggi sa sanlang baril, binaril

February 13, 2022 Edd Reyes 826 views

SUGATAN ang 43-anyos na negosyante nang barilin ng kanyang kapitbahay matapos tumanggi sa isinasanla sa kanyang baril Sabado ng umaga sa Malabon City.

Kaagad na isinugod sa Tondo Medical Center ang biktimang si Joey Tullo, residente ng Block 9C, Lot 25, Hiwas St. Brgy. Longos, kung saan siya nakaratay ngayon matapos isailalim sa operasyon sa tinamong tama ng bala sa kanang hita.

Kasalukuyan pang tinutugis ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 sa pangunguna ni P/Lt. Mark Xyrus Santos ang suspek na si Ernesto Dayrit, nasa hustong gulang, at residente rin sa naturang lugar makaraang tumakas matapos ang pamamaril.

Sa isinumiteng ulat nina P/SSgt. Jeric Tindugan at P/SSgt Michael Oben, may hawak ng kaso, kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, nakaupo sa harap ng kanyang tirahan ang biktima dakong alas-8:40 ng umaga nang dumating ang suspek at inalok na isangla sa negosyante ang kanyang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Tumanggi ang biktima subalit pilit pa ring ini-aalok ng suspek na isangla ang kanyang dalang baril hanggang mauwi sa bahagyang pagtatalo.

Dito na nagalit ang suspek at binaril ang biktima bago mabilis na tumakas, dala ang ginamit na armas.

Nasaksihan naman ng 64-anyos na si Nicanor Llena, kasama sa bahay ng biktima, ang pangyayari kaya’t humingi siya ng tulong upang madala sa pagamutan ang negosyante.

AUTHOR PROFILE