Cessna Natagpuan malapit sa crater o tinatayang 350 meters mula sa Bulkang Mayon ang nawawalang Cessna aircraft Photo courtesy: Cesar Adornado -OCD5

Nawawalang Cessna nakita malapit sa Mayon Volcano crater

February 19, 2023 Zaida I. Delos Reyes 761 views

NATAGPUAN malapit sa crater o tinatayang 350 metro mula sa Bulkang Mayon ang nawawalang Cessna aircraft 340 (Caravan) na may registry number RP-C2080 na naiulat na nawawala nitong Sabado ng umaga sa Bicol.

Ito ay base na rin sa mga larawang ibinahagi ni Albay Congressman Joey Salceda mula sa Office of Civil Defense (OCD) 5.

Una nang kinumpirma ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio ang lokasyon ng crash site ng eroplano sa Barangay Quirangay, Camalig, Albay batay sa impormasyong ibinahagi sa kanila ni Cynthia Tumanut, area manager ng Area 5 Office of Civil Defense (OCD).

Agad na nagtungo ang inter-government search and rescue team upang i-verify ang impormasyon hinggil sa wreckage ng nawawalang eroplano.

Nitong Linggo, sinabi ni Apolonio na patuloy ang isinasagawang search and rescue operation ng mga awtoridad sa nawawalang Cessna plane.

Aniya, tuloy-tuloy naman ang paghahanap sa mawawalang eroplano at nahinto lamang nitong Sabado ng gabi dahil madilim na.

Matatandaang nawalan ng komunikasyon ang Bicol Airport air traffic controllers sa Cessna 340 airplane nitong Sabado ng umaga.

Ang Cessna 340 (Caravan) aircraft ay umalis sa Bicol International Airport dakong 6:43 ng umaga at dakong 6:46 ay na-contact pa ito ng air traffic controllers.

Inaasahang lalapag ang eroplano na may lulang isang pilot, crew at dalawang pasahero sa Manila dakong 7:53 ng umaga subalit nawala ito.

Ayon kay Apolonio, kasama sa search and rescue operation ang aerial at ground forces.

Kaugnay nito, idineploy rin ng Philippine Airforce ang kanilang air assets tulad ng helicopters at drones para sa operasyon.

Kaugnay nito, idineploy rin ng Philippine Airforce ang kanilang air assets tulad ng helicopters at drones para sa operasyon.

Pinakilos na rin ng CAAP ang mga opisyal mula sa Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board (AAIIB) para sa emergency response.

Sa kasalukuyan, aabot sa 218 katao, 34 sasakyan, 11 drones at apat na K9 units ang idineploy sa Barangay Anolinb at Quirangay sa Camalig Albay para sa search and rescue sa mga pasahero ng eroplano na kinabibilangan ni Capt. Rufino James Crisostomo Jr. at Joel Martin kasama ang mga Australian passengers na sina Simon Chipperfield at Karthi Santanan, mga technical consultants ng Energy Development Corporation -BacMan (Edzc-Bacon-Manito). Ni ZAIDA DELOS REYES & JUN I. LEGASPI