Nasawi sa buhos ng ulan sa VisMin umakyat sa 25
UMABOT na sa 25 katao ang naiulat na nasawi sa walang tigil na pagbuhos ng ulan sa Visayas at Mindanao.
Ito ang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Miyerkules ng umaga.
Batay sa ulat ng ahensiya, dalawa sa mga nadagdag na nasawi ay mula sa Region 8 o Eastern Visayas at isa mula sa Region 9 o Zamboanga Peninsula.
Nanatili naman sa 26 ang bilang ng mga nawawala kung saan 12 ang kumpirmado kabilang dito ang 11 mula sa Region 8 at isa mula sa Region 9.
Patuloy namang biniberipika ang ulat kaugnay ng 14 na nawawala kabilang ang 12 mula Region 5 at dalawa mula sa Region 10.
Umabot naman sa siyam katao ang iniulat na nasugatan kasama ang isang kumpirmado mula Region 9 at walo sa Region 10.
Sa update ng NDRRMC, umakyat na sa 102,476 pamilya na binubuo ng 393,069 katao ang apektado mula sa Mimaropa; Regions 5, 6 (Western Visayas); 7 (Central Visayas); 8, 9, 10, 11 (Davao); Caraga; at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa nasabing bilang, 20,723 pamilya o 81,443 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 292 evacuation centers habang ang iba ay nakituloy sa kanilang mga kaanak.
Umabot din sa 1,196 bahay ang naiulat na nasira sa Region 4-B (Mimaropa), Regions 6, 8, 9, 10, 11, Caraga, at BARMM.
Nasa P65,294,087 naman ang naiulat na pinsala sa agrikultura at P20,870,000 naman sa imprastraktura.