Default Thumbnail

MWP sa ‘panggagahasa’, tiklo sa Parañaque

May 6, 2023 Edd Reyes 184 views

DALAWANG buwan lang ang itinagal ng pag-iwas sa batas ng 54-anyos na lalaking pang-anim sa listahan ng top 10 “most wanted person” (MWP) para sa buwan ng Mayo ng kasalukuyang taon makaraang madakip ng pulisya Biyernes ng hapon sa Parañaque City.

Matagumpay na nadakip ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Unit (WSU) ng Parañaque police ang suspek habang naglalakad sa gusali ng Hall of Justice sa Barangay San Antonio dakong alas-3:22 ng hapon.

Sa ulat na natanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, nagsasagawa ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) ang mga tauhan ng WSU nang may matanggap na impormasyon sa kinaroroonan ng akusado.

Bitbit ang warrant of arrest na inilabas ni Judge Jaime Mendoza Guray ng Parañaque Regional Trial Court (RTC) Branch 260 laban sa MWP para sa kasong rape at sexual assault nang dakpin nila ang akusado at basahan ng kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine.

Sinabi ni Kraft na walang piyansang inilaan ang husgado para sa pansamantalang paglaya ng suspek na pansamantalang ipiniit sa Parañaque Police Custodial Facility habang hinihintay ang ilalabas na commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa kulungan.

AUTHOR PROFILE