MPD Tumulong ang Manila Police District-District Mobile Force Battalion (DMFB) sa mga na-stranded na mga pasahero at kababayan dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan na nagdulot ng malawakang pagbaha sa kahabaan ng Taft Avenue sa Maynila. Kuha ni Jon-jon Reyes

MPD naglunsad ng ‘libreng sakay’ sa gitna ng pagbaha sa Maynila

August 8, 2022 Jonjon Reyes 148 views

MAGTRABAHO ng maayos at tama, isapuso ang disiplina”.

Ito ang tema na gustong ipabatid ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) kaya biglang tugon, inutos ni P/Lt. Col. Salvador Tangdol ng Malate Police Station 9 na magbigay ng “libreng sakay” na sinimulan sa Taft Avenue sa Malate dahil sa abalang dala ng pagbaha sa kasagsagan ng malakas na ulan mula pa nitong nakaraang linggo.

Sinimulan ng mga kapulisan ng Maynila ang libreng sakay bandang 4:46 ng hapon sa kahabaan ng Quirino Ave. corner Taft Avenue, sa Malate.

Iniutos ito ni Tangdol sa kanyang mga tauhan sa Adriatico Police Community Precinct na pinangunahan ni PSSg. Leonel Morfon ang pag-asiste sa mga kababayan at pasaherong naipit sa gitna ng pagbaha.

Ang serbisyong libreng sakay ay nagsisimula sa Quirino Avenue hanggang sa Buendia sa Lungsod ng Pasay at pabalik.

Gayunman, ayon sa huling ulat ni P/Maj. Philipp Ines, hepe ng Public Information Office (PIO) ng MPD, “passable” sa lahat ng uri ng sasakyan ang mga kalsada magmula sa United Nations Avenue hanggang sa Manila City Hall.

AUTHOR PROFILE