MPD Nag-ikot ang mga tauhan ng MPD Station 11 sa mga eskuwelahan sa Binondo bilang paghahanda sa seguridad sa darating na halalan sa Mayo 9. Kuha ni Jon-jon Reyes

MPD-Binondo handa sa seguridad ng mga voting precinct

April 27, 2022 Jonjon Reyes 69 views

PINANGUNAHAN ni Police Lt. Col. Magno Gallora Jr., commander ng MPD (Manila Police District) Station 11 sa Binondo, Maynila ang pag-iikot at pagbabantay sa mga eskuwelahan na pagdadausan ng mga botante para sa darating na halalan sa Mayo 9, 2022.

Ito ay upang masiguro ang seguridad at walang mangyayaring kaguluhan sa kanilang mga “area of responsibility”, partikular ang Binondo at Abad Santos sa lungsod ng Maynila sa mismong araw ng halalan kung saan ay pupuwesto sila ng 50 metro mula sa mga eskuwelahan bago ang nasabing halalan.

Unang dinalaw ni Lt. Col. Gallora ang Jose Abad Santos High School, sumunod ang P. Guevarra at iba pang mga eskuwelahan sa Binondo.

Nagsagawa din ng maiksing briefing sa mga bantay sa eskuwelahan ang mga kapulisan, kung sakaling may mga kahina-hinalang kilos ang isang tao at gulo sa mismong araw ng halalan upang ito ay kanilang ipagbigay alam agad sa pinakamalapit na outpost na nakaposte sa paligid ng paaralan gamit ang mga tent.

Tuloy-tuloy naman ang ginagawang pag-iikot at foot patrol operations ng mga kapulisan ng MPD sa Binondo para sa kaligtasan ng mga mamamayan matapos na atasan sila ni MPD Director P/Brig. Gen Leo “Paco” Francisco.

AUTHOR PROFILE