Default Thumbnail

Motorsiklo vs kotse; misis utas, mister sugatan

February 9, 2024 Gil Aman 95 views

UTAS ang ginang at sugatan ang asawa niya sa Laguna matapos mabundol ang motorsiklong sinasakyan ng kotse sa likuran noong Huwebes sa Manila East Road sa Brgy. Nanguma, Mabitac, Laguna.

Sa ulat ni P/Major Clemente Garcia, hepe ng Mabitac Police, nasawi si Bolina Sin ng Brgy. Inanihan, Siniloan, Laguna ng tumilapon sa lakas ng tumbok ng Mitsubishi Galant (UCD 831).

Minamaneho ni Aurelio Resurrection Manansala ng Sta. Cruz, Maynila ang Galant.

Sugatan din si Dominador Sin, 51, rider ng Kawasaki III HD125 na walang plate number.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Mabitac trapik police, naganap ang aksidente mga bandang alas-10:20 ng gabi habang papunta sa Famy, Laguna ang mag-asawa.

Ayon sa pulisya, tinatahak ng motorsiklo na pundido ang tail light at kasunod naman ang kotse.

Sinabi ng suspek na hindi niya napansin sa unahan ang motorsiklo dahil may kasalubong na sasakyan na maliwanag ang headlight kaya natumbok niya ang motor ng mag-asawa.

Nakatakdang sampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide and Physical Injury and Damage to Property ang suspek.

AUTHOR PROFILE