Motorsiklo sumemplang, rider nasagasaan ng bus

June 14, 2021 Melnie Ragasa-limena 140 views

KALUNOS-LUNOS ang sinapit ng isang rider nang sumemplang ang sinasakyan niyang motorsiklo at minalas na masagasaan pa ng kasunod na bus sa northbound lane ng EDSA sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Dead on the spot ang biktimang nakilalang si Conrado Besana II, 59, may asawa, contractor, at residente ng 41 Balayan St., Bago Bantay, Quezon City dahil sa matinding pinsalang tinamo sa kanyang ulo at katawan.

Samantala, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver ng bus na nakasagasa sa biktima at nakilalang si Deondo Salavedra, 32, at residente ng Kalookan City.

Batay sa ulat ng Traffic Sector ng Quezon City Police District (QCPD), nabatid na dakong alas-7:00 ng gabi nang maganap ang aksidente sa EDSA northbound, malapit sa kanto ng Corregidor St., sa Bgy. Ramon Magsaysay.

Sakay umano ang biktima ng isang Suzuki motorcycle na may plakang 3569PC at binabagtas ang northbound lane ng EDSA, mula sa direksiyon ng North Avenue patungong Balintawak, kasunod ang bus, nang bigla na lang umano itong mawalan ng kontrol sa motorsiklo.

Nagpagewang-gewang umano ang motorsiklo hanggang sa tuluyan itong sumemplang sa kalsada.

Hindi naman kaagad nagawa ni Salavedra na maipreno ang kanyang minamanehong Yutong bus na may plakang ACD-6372, kaya’t nasagasaan nito ang biktima, na kaagad binawian ng buhay.

Dahil sa pangyayari ay sumalpok pa ang bus sa concrete barrier sa lugar, na nagresulta sa pagkasira nito.

Ang suspek ay nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property sa piskalya.