Motor Ang pinangyarihan ng insidente Source: Davao City PNP

Motor sumalpok sa gate, bata patay, 3 sugatan

March 5, 2024 Zaida I. Delos Reyes 68 views

PATAY ang isang bata habang sugatan ang kanyang ama at dalawang kasamahan nang sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa gate ng isang bahay sa Tugbok District, Davao City nitong Linggo.

Nakilala ang nasawi na si Dionesio Basoy Calumen Jr., 5-anyos, residente ng Purok 8< Costan Village, Barangay Manuel Guianga, Davao City.

Isinugod sa pagamutan ang ama ng bata na si Dionesio Calumen Sr., 25-anyos at mga kasamahang sina Ronilo Gabonada Habel , 13 –anyos at Jonathan Espina, 38 anyos pawang mga residente ng lungsod.

Batay sa ulat ng Davao City, PNP, ang insidente ay naganap dakong 7:00 ng gabi sa Purok 1, Manuel Guianga, Tugbok District.

Patungo sana ang mga biktima sa Barangay Tagakpan nang biglang lumihis pakaliwa ang motorsiklo at bumangga sa gate ng bahay ni Cladio Duani.

Naisugod pa ang mga biktima sa pagamutan subalit hindi na umabot ng buhay ang bata.

Sa kasalukuyan, patuloy ang ginagawang imbestigasyon sa insidente.