Posas

Hitman ni DJ Johnny Walker timbog sa Dipolog

April 29, 2024 Zaida I. Delos Reyes 65 views

NAARESTO ng Misamis Occidental at Zamboanga Del Norte police sa Dipolog City, Zamboanga Del Norte ang pangunahing suspek at gunman/hitman ni Juan Jumalon alyas DJ Johnny Walker noong Lunes.

Ayon sa pulisya, may 8 standing warrants of arrest sa kasong murder, frustrated murder, direct Assault at illegal drugs ang suspek na si Julito Mangumpit alyas Ricky.

Naaresto ang suspek dakong alas-3:00 ng madaling araw sa Dipolog City. Nauna ng ring naaresto noong Marso ang dalawa pang magpinsan na suspek din sa pagpatay sa announcer na sina Boboy at Reynante Bongcawel.

Napag-alaman na si Boboy ang kasamang pumasok sa gate at nanutok sa mga kasambahay ng biktima habang si Reynante ang nagsilbing look out sa labas.

Dahil dito, itinuturing ng Philippine National Police (PNP) na “case solved” na ang kaso.

Sinabi ni Police Colonel Jean Fajardo, hepe ng PNP-Public Information Office, na hindi nila inaalis ang posibilidad na work-related ang motibo sa pagpaslang dahil hanggang ngayon kumakalap pa rin sila ng mga ebidensya.

Ang importante, ayon sa spokesperson, nasa kustodiya na nila ang pangunahing suspek sa pagpatay.

Lumalabas din sa imbestigasyon na magkakasama sa isang sindikato ang tatlong suspek na sangkot na rin sa iba pang kaso tulad ng pananambang sa municipal engineer sa Misamis, Occidental.

Kaugnay nito, paghahatian naman ng mga witness at informant na nakatulong sa pagkakaaresto sa mga suspect ang P3.7 million na pabuya mula sa provincial government ng Misamis Occidental at Presidential Task Force on Media Security para sa sinumang makakapag-bigay ng impormasyon para mahuli ang mga suspek sa pagpatay.