Maria Antonia Loyzaga

Mitigation, adaptation kailangan vs climate change–DENR sec

February 25, 2024 Cory Martinez 100 views

“MITIGATION, adaptation and disaster risk reduction are critical elements in our race to resilience.”

Ito ang binigyang-diin ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Antonia Loyzaga sa pulong kamakailan sa mga opisyal ng mga pribadong organisasyon at kumpanya na sumentro kung paano lalabanan ang mga hamon ng climate change.

“My first as is: work with us. Tatlumpung milyong ektarya ng lupa ang aming tanggapan; 36,000 kilometro ng baybayin at dalawang milyong-kwadrado kilometro na territorial sea. Hindi naming ito magagawa na mag-isa lalo na ang aming pondo ay hindi sasapat,” ani Loyzaga.

Sa pulong na may titulong “The Private Sector and Climate Action Towards a Low Carbon Future and Climate Resilience,” inilatag ni Loyzaga ang maaaring harapin na hamon ng bansa sa mga susunod na taon dulot ng climate change.

Sinabi ni Loyzaga na batay sa pagtataya, patuloy na iinit ang panahon at lalo pang tataas ang lebel ng heat extremes samantalang mararanasan ang tagtuyot sa buong bansa maliban lamang sa hilagang-kanluran ng Luzon.

Ayon pa kay Loyzaga, mararanasan ang matinding pag-ulan na posibleng magdulot ng malawakang pagbaha at landslide sa ilang lugar sa Hilagang Luzon, Bicol region at western Mindanao.

Paliwanag pa ng kalihim na ang pagsasama ng matinding bagyo at matinding pag-ulan sa ating mga baybayin at ang mabilis na pagtaas ng sea level kesa sa global average ang siyang mga pangunahing dahilan ng disaster na makakaapekto sa mga komunidad, sa sistema ng pagkain at tubig at magiging kritikal para sa imprastraktura.

Inilatag din ni Loyzaga ang mga nagawa na at ginagawa pa ng departamento sa pagtugon sa hamon ng climate change.

Unang-una dito ang masusing pag-unawa sa mga panganib na dulot nito.

Kabilang pa sa mga inisyatibo na ginawa na ng departamento, ani Loyzaga, ang pinagsamang diskarte sa pagbuo ng bagong evidence-informed plans para sa pagsawata at adaptasyon sa climate change; ang pakikipagtulungan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa isang Mindanao-wide na resilient infrastructure program at ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mining industry, particular na ang Chamber of Mines, para sa responsableng pagmimina.

Sa kanyang paghimok sa pribadong sektor, sinabi ni Loyzaga na isinama nila sa kanilang mga polisiya ang hinggil sa responsableng paggamit at pagtatapon ng plastic.

Hiniling ni Loyzaga sa pribadong sektor na mamuno at maging kapartner ang mga komunidad na malapit sa kanilang mga establisyemento sa pagpapatupad ng pagprotekta ng ecosystem hindi lamang bilang bahagi ng kanilang Corporate Social Responsibility (CSR) kundi bilang bahagi ng business value cycles.

“Ang huli kong mensahe–think Blue. Bilang sa isang archipelagic country, hindi natin dapat kalimutan na ang ating mga dagat at baybayin ay silang mga pinakamahalagang regulator ng global climate at sila ang pangunahing source ng ating survival.

Kailangan naming kayo hindi lamang makatulong sa pagtayo sa blue wall ng ating bansa kundi pati na rin sa paglago, pag-secure at pangangalaga nito para kasalukuyan at mga susunod pang henerasyon,” pagtatapos ni Loyzaga.

AUTHOR PROFILE