Bilyar Source: FB

Minurder dahil winner sa bilyar

March 13, 2024 Edd Reyes 92 views

NALAMBAT ng pulisya ang suspek sa pagpatay sa 25-anyos na bihasa sa larong bilyar habang nakikipag-inuman sa mga ka-tropa sa Malabon City.

Bukod kay alyas “Raffy”, 43, residente ng Dumpsite, Sitio 6, Brgy. Catmon, binitbit din nina P/Lt. Melanio Medel Valera III, Commander ng Malabon Police Sub-Station 4, ang kanyang kainuman na si alyas “Roque”, 31, nang pumapel at tinangkang pigilan ang mga pulis sa lehitimong operasyon.

Sa ulat nina P/SSg Bengie Nalogoc at P/SSg Michael Oben kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nangyari ang insidente ng pagpatay habang naglalaro ng bilyar ang nasawing si Kirk Jude Dee Dadizon at 23-anyos na testigong si alyas “Jayson” noong Sabado ng gabi sa Pisaca Sitio 6, Brgy, Catmon.

Bigla na lamang sumulpot ang suspek na armado ng kalibre .45 baril at malapitang pinaputukan sa ulo ang biktima sa harap mismo ng kalaro niyang testigo. Naisugod pa si Dadizon sa Ospital ng Malabon pero patay na nang idating sa naturang pagamutan.

Sa pahayag ng live-in partner ng biktima kay SSg. Nalogoc, bago nangyari ang pagpatay ay nanalo pa sa larong bilyar ang kanyang kinakasama pero humirit ang kalaro ng isa pa na tinanggihan na ng biktima.

Bunga ng impormasyong ibinigay sa pulisya ng kalarong testigo ng biktima, walang humpay na nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya hanggang matunton ang suspek na nakikipag-inuman sa Dumpsite Sitio 6 noong Linggo ng gabi na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Araw ng Martes nang isampa na ng pulisya ang kasong murder laban sa suspek at obstruction of justice naman kay alyas Roque sa Malabon City Prosecutor’s Office habang isinailalim pa sa ballistic examination ang isang basyo ng bala ng kalibre .45 pistola na nakuha sa crime scene.

AUTHOR PROFILE