Crime1

Mag-ina dedo sa BJMP exec, suspek nagbaril sa sarili

March 13, 2024 Edd Reyes 113 views

DEDO ang 55-anyos na ginang at ang dalaga niyang anak nang barilin sila sa ulo ng jail officer ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na kalaunan ay nagbaril din sa sarili Miyerkules ng madaling araw sa Valenzuela City.

Dead-on-the-spot ang biktimang si alyas “Lanie” at ang jail officer na si alyas “Mhel”, residente ng Calderon St. Sta Lucia, Novaliches, Quezon Citym habang naisugod pa sa Valenzuela City Medical Center ang 27-anyos na si alyas “Mary” kung saan siya natigok habang nilalapatan ng lunas.

Sa isinumiteng ulat ina P/EMS Felix Viernes at P/SSg Regor Germedia kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr. dakong alas-2:45 ng madaling araw nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ni alyas Mhel at ng mag-ina na may kaugnayan sa pagkakaroon ng relasyon ng suspek sa isa pang anak na babae ng ginang na si alyas “Bernadette”.

Sa gitna ng kanilang pagtatalo, nagpumilit ang jail officer na pumasok sa bahay ng mag-ina sa Navarrette St., Brgy. Arkong Bato subalit pinigilan siya ng mag-ina na dahilan para sila barilin sa ulo ng suspek.

Nang kapuwa duguang bumulagta ang mag-ina, dito na nagpasiyang magbaril din sa sarili si alyas “Mhel” na agaran din iyang ikinamatay.

Kaagad namang nakapag-responde sa lugar ang mga tauhan ng Polo Police Sub-Station-5 ng Valenzuela Police Station na silang tumawag sa Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Office (VCDRRMO) na nagdeklarang patay na ang ginang at ang suspek at sila ring nagdala kay alyas Mary sa pagamutan.

AUTHOR PROFILE