Mga pamana ni Duterte ibinahagi

October 14, 2021 Christian D. Supnad 305 views

BALER, Aurora — Ibinahagi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ang ilan sa mga pamana ng administrasyong Duterte sa mga Pilipino.

Sinabi ni Andanar na nagbigay daan ang programang Build Build Build upang makapagpatayo, maisaayos at mapabuti ang may 29,000 kilometrong kalsada, 214 paliparan at 451 daungan.

Sa Gitnang Luzon, naipatayo ang Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway, Pulilan-Baliuag Diversion Road, Capas-Botolan Road, Sta. Cruz-Mangatarem Road at Subic Freeport Expressway. Naipatayo din ang New Clark City Sport Hub at ang bagong Clark International Airport Terminal.

Sa pamamagitan naman ng mahigit 140 Malasakit Centers ay dalawang milyong mahihirap na mga Pilipino ang nabigyan ng libreng gamot at serbisyong medikal.

Sa law and order, may 22,000 barangay na ang naitalang drug-cleared habang bumaba sa 64 porsyento ang crime volume.

Pagdating naman sa usaping pangkapayapaan ay naisakatuparan ng administrasyon ang Bangsamoro Organic Law na lumikha ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Samantala, may 19,000 rebelde ang nagbalik loob na sa gobyerno sa pamamagitan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Para sa Anti-corruption drive ay pinirmahan ni Duterte ang Executive Order No. 2 o Freedom of Information na nagbukas ng libro ng pamahalaang nasyunal.

Ito ang nagpalakas sa Anti-Red Tape Act at nagbigay daan sa pagkakatatag ng Presidential Anti-Corruption Commission.

Dagdag pa ng kalihim, ilan pa sa mahahalagang pamana ng Pangulo ay ang Free Tuition Act kung saan 1.6 milyon na mga estudyante mula sa mga state universities at colleges ang nakapag-aral nang libre.

Bukod dito, 109 milyong Pilipino na ang may Universal Health Care Insurance sa pamamagitan ng Universal Health Care Law.

May 6.5 milyon naman na mga Overseas Filipino Worker ang nakinabang sa one-stop shop ng pamahalaan.

Ibinalita rin ni Andanar na sa agrikultura ay bukod sa isang milyong magsasaka na nakinabang sa libreng patubig, ay may 2.4 milyong magsasaka rin ang nakinabang sa Rice Tariffication Law habang 229,000 ektaryang lupain ang naipamahagi sa pamamagitan ng Department of Agrarian Reform sa mahigit 160,000 bebepisyaryo nito.

Kabilang naman sa legasiya ni Pangulong Duterte sa PCOO ay ang Mindanao Media Hub, Visayas Media Hub, at ang kauna-unahang Government Communication Academy na naka-focus sa pagtuturo ng komunikasyon at iba pang paraan na makapagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko, para sa mga information workers sa barangay hanggang sa pamahalaang nasyonal.

Ayon kay Andanar, mahalaga na maiparating sa publiko ang mga nagawa ni Pangulong Duterte nang maikumpara ang mga naipangakong mga programa noong 2016 gaya sa peace and order, law and order, anti-corruption drive, at poverty alleviation.