Mga nasawi sa pag-ulan sa VisMin umakyat sa 32
UMAKYAT na sa 32 katao ang bilang ng mga nasasawi bunga ng walang tigil na pagbuhos ng ulan simula sa araw ng Pasko sa Visayas at Mindanao.
Ito ang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Huwebes ng umaga.
Sa update na inilabas ng ahensiya dakong 6:00 ng umaga (Disyembre 29) lumalabaas na 18 sa mga nasawi ay mula sa Northern Mindanao, anim sa Bicol, apat sa Zamboanga, tatlo sa Eastern Visayas at isa sa Caraga.
Umabot naman sa 24 ang nawawala kabilang ang 11 mula sa Bicol at Eastern Visayas at tig-isa mula sa Zamboanga at Northhern Mindanao habang 11 rin ang naiulat na nasugatan.
Matatandaang binaha ang maraming lugar sa Visayas at Mindanao nitong araw ng Pasko dahil sa epekto ng “shear line,” isang weather system na nabubuo sa pagtatagpo ng cold front at warmer front.
Nasa 486,485 katao o 124,853 pamilya naman ang naapektuhan mula sa 864 barangays sa Mimaropa, Nicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga, Northern Mindanao, Davao, Caraga at Bangsamoro.
Sa nasabing bilang ng apektado, 56,110 katao o 12,264 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa loob ng 150 evacuation centers habang 503 katao o 12,293 pamilya ang nakituloy sa kanilang mga kaanak o kaibigan.
Umabot na din sa 4,068 kabahayan ang nasira, 3,322 sa mga ito ang partially damaged at 746 ang totally damaged.
Ang pinsala sa agrikultura ay pumalo na sa P206,489,170 habang nasa P51,550,000 ang pinsala sa imprastraktura.
Umabot din sa P2,050,000 ang iniulat na pinsala ng National Irrigation Administration (NIA).