Default Thumbnail

Mga gusto ko sana sa SONA

July 28, 2021 Allan L. Encarnacion 518 views

Allan EncarnacionAMININ man o hindi ng mga sumulat ng huling state of the nation address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte, nagkaroon sila ng pagkukulang sa maraming aspeto na gusto sanang marinig ng publiko sa isang patapos nang terminong administrasyon.

Iyon na ang valedictory address, iyon na ang tinatawag na Swan song, iyon na ang penultimate para sa isang lider na maraming nagawa sa kanyang bansa.

Naging chopsuey ang last SONA ng Presidente dahil sa hindi maayos na pagkakasalansan ng mga dapat mapakinggan ng balana. Wala namang duda na isa si Digong sa pinakamaraming nagawa sa bansa kahit pagsama-samahin pa ang mga nagawa mga nakaraang Presidente sa post-EDSA 1986 People Power.

Masyadong maigsi ang limang taon kung ikukumpara sa mga nagawa ni Duterte. Sabi nga, iyong palayok ni Duterte ay masyadong malaki para sa takip na isusuklob. Ika nga, “mas malaki ang sapatos kaysa sa paa.”

Kung nabigyan ako ng pagkakataong sumulat ng huling SONA, ihahanay ko ang mga nagawa ni Presidente by year at by item. Ibig sabihin, chronological o ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga accomplishments.

Karaniwan, maigsi ang memorya ng mga nakikinig at malilimutin din ang publiko sa mga nagagawa ng kanyang gobyerno, lalo na kung hindi siya ang direktang nakinabang.

Kaya nga importanteng magkaroon ng pagbabalik-tanaw sa mga nangyari sa mga nakaraang limang taon. Iyon talaga ang esensiya ng last SONA, ang paghahanay ng iyong mga nagawa at paghahanay na mga gusto mo pa sanang gawin pero hindi mo nagawa dahil sa isang taon na lang ang nalalabi sa iyong termino.

Halimbawa, mga mahal kong kababayan, sa nakalipas na limang taon, nagsimula ang termino ng ating administrasyon sa matinding problema sa traffic na nagdudulot ng mahigit P3 billion economic losses. Noong 2016 mula July 1 hanggang December 2016, ito ang ating mga nagawa para malutas ang problemang ito.

Ihanay mo na ang mga EDSA decogestion program, ang pagsisimula ng MRT 7, ang paglalagay ng EDSA busway, jeepney modernization, ang pagdagdag ng mga footbridges, ang paglalagay ng P to P, ang pagsisimula ng Metro Manila kauna-unahang subway at extension sa mga LRT lines sa Cavite at Rizal.

Dahil nakasentro ang programa ng administrasyon sa giyera laban sa droga, ihanay ng Pangulo kung gaano kalaki ang problema sa illegal drugs at kung gaano na karami ang pinatay at ginahasa ng mga drug addict bago nagsimula ang kanyang termino. Tapos sabihin niya ang kanyang nagawa ukol dito. Mas madali kasing unawain ang comparative numbers, kung ilang ang nadakip, ilan ang napatay at gaano karaming shabu ang nakumpiska.

Papasok ka ngayon sa ikalawang taon na ang pokus naman ay giyera sa korapsiyon. Sabihin ng Presidente kung ilan ang nakasuhan, magbigay ng ilang pangalan para mas madaling ma-recall tapos sinasabayan pa ng file video.

Doon sa 3rd year, ipasok niya halimbawa ang naging problema sa bigas kaya naging pila-balde na ang mga consumer sa mga pamilihan. Ito iyong mga panahong sinindikato ang rice importation at binabarat ng mga kapitalista ang produce ng mga magsasaka. Ito iyong mga panahong umabot sa P50 hanggang P60 ang NFA rice at nagkaroon na ng limitasyon sa pagbili ng mga consumers. Naging sobra rin ang mahal ng commercial rice sa mga panahong yan.

Puwedeng sabihin ng Presidente kung ano ang kanyang ginawa bakit nagbalik sa normal ang rice supply bansa. Halimbawa ay ang pag-alis ng rice importation quota at pagsuporta sa mga magsasaka mula sa pagbibigay ng binhi, pagbibigay ng libreng irigasyon at ang pagbili ng gobyerno sa mataas na presyo sa mga bigas ng ating mga farmers.

Sa 4th year, ipasok na ang mga job generations program ng pamahalaan dahil sa Build, Build, Build. Dito ay ilatag na niya ang libu-libong kilometrong kalsadang nagawa ng DPWH sa ilalim ni Secretary Mark Villar, mga iconic bridges na nag-ugnay sa mga busines districts, nag-ugnay sa mga kanayunan patungo sa kalunsuran, mga airports, mga seaports at mga railroad sa Luzon Belt, mga big ticket project sa Visayas at Mindanao na pinanguhan naman ni Sec Art Tugade.

Sa 4th and 5th year na tumama ang pandemic. Dito mo na ipapasok ang mga naging COVID-19 response mula sa health, food, education at economic measures para manatili tayong buhay.

Ipasok mo na ang Social Amelioration Program na nagtawid sa gutom sa maraming apektado ng pandemic, mga stimulus assistance sa mga small and medium scale busines, pagpaparami ng mga quarantine facilities, pagpapalawak sa Philhealth coverage, pagtiyak na fully operational ang mga ospital, pribado man o pampubliko. Ipasok na rin ang educational system adjustment gaya ng blended learning, online classes at mga cash assistance sa mga guro at cash incentives sa mga health workers. Huwag mo rin kalimutang banggitin ang Bayanihan 1 & 2 na pinagtibay sa panahon ni former House Speaker Alan Peter Cayetano na nagpalawak ng tulong gobyerno sa buong bansa.

Sa bandang dulo ng speech, dyan mo na ipasok ang pagpapalakas sa defense ng bansa, pagpapalawak ng diplomatic relations, pagpapalakas ng ekonomiya sa harap ng pandemic.

Sabihin na rin niya kung bakit umabot ng P11 trillion ang utang ng bansa at kung saan-saan ito ginamit ng pamahalaan.

Tapos, sabihin na rin niya ang mga plano ng bansa para sa kanyang huling isang taon na dapat ay magagawa pa niya pero dahil kapos sa panahon, ipapasa na niya ito sa susunod na Presidente.

Kunsabagay, kumbaga sa basketball, miron lang naman tayo, sabi nga, magaling lang tayo kapag nanonood, pero kapag tayo na ang naglalaro, baka hindi rin natin magawa ang ganitong game plan para sa Presidential SONA.

Ayoko na nga, nakakapagod din ang makialam sa mga sumusulat ng Presidential SONA.

[email protected]