MEPS wagi sa arbitral case
KINATIGAN ng Arbitral Tribunal ang isinampang reklamo ng Manila Express Payments System (MEPS) sa umano’y pangongopya ng kanilang modelong kiosk machines ng isang kompanya.
Batay sa hatol, inatasan ng arbitral tribunal ang inakusahang kompanya na bayaran ng milyon-milyong piso ang MEPS bilang danyos sa sinasabing “pamemeke” nito ng patented utility model.
Nabatid na ang arbitral award ay iginawad ng Philippine Dispute Resolution Center Inc. (PDRCI) noong Nobyembre 4, 2022.
Sa desisyon, napatunayan ng arbitral court na lumabag sa intellectual property law ang akusadong kompanya sa umano’y pakikipagsabwatan ng isa pang business firm.
Nag-ugat ang arbitration case sa serye ng mga pagsalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD) noong Hulyo 2020 at Marso 2021 matapos maglabas ng search warrants sina Judge Reinalda Estacio-Montesa ng Manila Regional Trial Court (RTC), Branch 46 at Judge Elma Rafallo-Lingan ng Pasig City RTC, Branch 159, laban sa kompanyang kinasuhan ng MEPS.
Nasabat sa mga naganap na operasyon ng NBI-IPRD ang ilang kiosk machines na nagtataglay ng pangalang “Pay & Go” na ipinalalagay na kaparehong flow system at utility model ng TouchPay na pag-aari at pinatatakbo ng MEPS.
Binanggit pa sa hatol na dahil nakarehistro ang utility model ng MEPS sa Intellectual Property Office (IPO), malinaw umano na may paglabag ang akusado. Napag-alaman naman na ang “Pay&Go” kiosk machines ay gawa ng business firm na pina-deploy ng akusadong kompanya.