Lacuna Pinangunahan nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo ang groundbreaking ceremony ng blood bank at formal na pagbubukas ng ambulatory surgical clinic ng Sta. Ana Hospital. Kuha ni Jon-jon Reyes

Mayor Honey, VM Yul Servo pinangunahan ang groundbreaking ng Sta. Ana blood bank

October 26, 2022 Edd Reyes 330 views

Lacuna1

Bagong ambulatory clinic pinasinayaan rin

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang groundbreaking ceremony ng Sta. Ana Blood Bank at pagpapasinaya sa bagong Ambulatory Surgical Clinic Miyerkules ng tanghali.

Sa naging pahayag ni Sta. Ana Hospital Director Dra. Grace Padilla, ang itatayong pasilidad ay mahalagang sangkap para maging “tertiary hospital” ang kanilang pagamutan sa pagkakaloob ng serbisyo at pagtiyak na mayroong magagamit na dugo sa oras ng mga pangangailangan.

Ito rin aniya ang magiging tugon ng Lungsod ng Maynila at ng Sta. Ana Hospital sa mga kasong tulad ng dengue, trauma, lubhang pagkaubos ng dugo, mga may sakit na anemia, leukemia at iba pang kahalintulad nito, pati na rin sa mga isasagawang operasyon na kinakailangan ng supply ng dugo.

Sa kanya namang pahayag, sinabi ni Mayor Honey na ang konstruksiyon ng blood bank ay makakatulong ng malaki sa mga naghihikahos na mamamayan ng lungsod na dumaranas ng matinding sakit na kailangan ang supply ng dugo.

“Alam po natin kung gaano kahirap maghanap ng dugo para sa atin pong mga pasyente kaya’t hinihikayat ko po ang bawat isang Manilenyo na may kakayahang magbigay o mag-donate ng kanilang dugo na pumarito po sa Sta. Ana Hospital,” pahayag ng alkalde.

“Hindi na po dapat na kailangang hintayin na tayo o ang mahal nating buhay ang mangailangan naman bago pa tayo makapag-isip na mag-donate ng dugo. Ito po ay napakalaking tulong hindi lang po sa Ospital ng Sta. Ana kundi sa iba pa nating ospital sa lungsod,” pagpapatuloy pa niya.

Lubos din siyang nagpasalamat sa Jaime Ongpin Foundation Inc. na kinakatawan ni Renaldo Bautista, Jr., na nagbigay ng donasyon para sa pagpapatayo ng Sta. Ana Blood Bank sa pamamagitan ng kasunduan sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at ng naturang foundation.

Ayon naman kay Dra. Padilla, ito na ang ikalawang donasyon na ibinahagi sa kanila ng naturang foundation dahil una na rito ang chemo dialysis center na nagkakaloob ng aabot sa 1,700 na serbisyong dialysis sa may 200 pasyente.

Makaraan ang groundbreaking, pinangunahan namang muli nina Mayor Lacuna-Pangan, Vice Mayor Yul Servo, at Dra. Padilla ang pagpapasinaya sa Sta. Ana Hospital Ambulatory Clinic na nasa ika-walong palapag ng gusali na nagkakaloob ng operasyon sa mga sakit na hindi na kailangan pang manatili ng matagal sa pagamutan.

Sinabi ni Dra. Padilla na kinumpuni ang ika-walong palapag sa tulong ng Operation Smile Philippines na kinakatawan ni Emiliano Romano, ang Executive Director for Operation, kasabay na rin ng paglulunsad ng programang “Zero Cleft Lip in Manila” kung saan paiigtingin ang pagtukoy at pagsasagawa ng operasyon sa mga batang may cleft lip nang sa gayon ay maging perpekto talaga ang ngiti ng mga Batang Maynila.

Ayon naman kay Mayor Lacuna-Pangan, ang Operation Smile Philippines ay sampung taon na nilang katuwang sa pagsasagawa ng mga medical mission, kabilang ang libreng operasyon ng mga batang may bingot.

“Malaking tulong din po ang Ambulatory Surgical Center sa pagnanais nating maitaas ang antas ng atin pong Sta. Ana Hospital mula po sa Hospital Level II, magiging Hospital Level III na po.

“Alam niyo, very competitive po ang pamunuan at mga kawani ng Sta. Ana Hospital. Kanila lang po naipasa nila ito kaya nagpapasalamat kami sa Department of Health (DOH) sa pagbibigay ng accreditation sa pagbubukas ng Ambulatory Surgical Clinic,” dugtong pa ni Mayor Honey Lacuna-Pangan.

AUTHOR PROFILE