Default Thumbnail

Mayor Honey, VM Yul Servo nanguna sa pamamahagi ng Christmas boxes

December 1, 2022 Edd Reyes 285 views

SINIMULAN na ng lokal na Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pamamahagi ng Christmas gift sa bawat pamilya sa lungsod nitong Huwebes na unang araw ng buwan ng Disyembre, 2022.

Pinangunahan nina Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang pamamahagi ng mga Christmas food boxes sa Barangay 128, Zone 10 sa Smokey Mountain at Barangay 151, Zone 13 sa Capulong St., na parehong nasa Unang Distrito ng Tondo.

“Napakasuwerte po ninyo dito sa inyong lugar dahil dito natin gagawin ang kauna-unahang Christmas gift giving sa Lungsod ng Maynila. Gusto po namin na sa buong Kamaynilaan ay maramdaman naman ang spirit ng Christmas,” pahayag ng alkalde sa daan-daang residente ng Bgy. 128 na unang nakatanggap ng Christmas food boxes.

Sumunod na nagtungo sina Mayor Honey at Vice Mayor Yul Servo sa Bgy. 151, Zone 13 sa Capulong, upang pangasiwaan ang distribusyon ng ipinamahaging Christmas gifts.

“Ito pong ginagawa naming Christmas gift giving ay aming paraan para maipadama namin sa inyo ang aming pagmamahal. Gusto po namin, sa darating na Kapaskuhan ay may pagsasaluhan po kayo ng inyong mga kaanak. Kaya po sinikap namin na ang bawat isang pamilyang Manilenyo ay makakatanggap ng aming munting regalo sa inyo,” sabi ng alkalde sa mga taga-Tondo.

Ayon sa alkalde, ang pamamahagi ng Christmas food boxes na kinapapalooban ng bigas, corned beef, spaghetti noodles at sauce, keso, fruit cocktail at gatas, ay magpapatuloy na pangangasiwaan na ng mga opisyal ng barangay.

“Pero sana mag-iingat pa rin tayo. Alam naman po ninyo, andiyan pa rin si Covid, ayaw naman po namin na sa darating na Pasko, mayroon kayong sakit,” paalala pa ng alkalde sa mga residente.

“Kaya pagdamutan po ninyo ang munting regalo namin sa inyo. Merry Christmas and a ‘Honey’ ‘Yul’ Year po sa inyong lahat,” dagdag pa niya.

Aabot sa 750,000 pamilya mula sa 897 barangays sa Lungsod ng Maynila ang makakatanggap ng Christmas food boxes habang 160,000 naman na mga senior citizens ang mabibiyayaan din ng regalong Pamasko na magmumula rin sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

AUTHOR PROFILE