Default Thumbnail

Mayor Honey sa mga kawani: Dumalo sa pagpupugay sa watawat

August 2, 2022 Edd Reyes 268 views

PINAALALAHANAN ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang mga opisyal at kawani ng Manila City Hall na dumalo sa regular na pagpupugay sa watawat tuwing Lunes dahil responsibilidad at obligasyon ito bilang mga serbisyo publiko na nakasaad sa umiiral na panuntunan ng serbisyo sibil.

Ang paalala ng alkalde ay kanyang inilahad sa ginanap na pagpupugay ng watawat kahapon, Lunes, sa unang araw ng Agosto ng taong kasalukuyan matapos niyang mapuna na paunti nang paunti ang mga opisyal at kawani na dumadalo sa pagpapanumbalik ng kanilang katapatan sa watawat.

“Paalala ko lang po, noong unang araw na nag-flag ceremony ako rito, halos hindi mahulugang karayom ang nag-attend, tila ba bumabalik na naman tayo sa dati nating nakagawian na habang tumatagal, nababawasan nang nababawasan ang dumadalo sa flag-raising ceremony,” pahayag ng alkalde.

Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 19 ng Civil Service Commission (CSC), ang lahat ng mga pinuno ng bawat ahensiya ng pamahalaan ay inaatasang bumuo ng kanilang sariling panuntunan upang masubaybayan ang pagdalo ng mga kawani sa regular na pagpupugay sa watawat.

Sa kanyang mensahe, nagpahayag din ang alkalde ng kanyang paghanga at pasasalamat sa mga opisyal at kawani ng Bureau of Permit and Licensing Office (BPLO) sa ilalim ng pamumuno ni Director Levi Facundo dahil sa napakaraming programa at proyekto sa loob ng nakalipas na dalawang taon kahit ang bansa ay dumaranas ng pandemiyang dulot ng COVID-19.

“Ang ibig lang sabihin, naging innovative sila, naging creative at hindi sila tumigil doon lang sa mandato ng kanilang tanggapan kung kaya’t napakalaking tulong po sa napakaraming maliliit at malalaking negosyante ang ginawa pong programa at proyekto ng BPLO,” sabi pa ng alkalde.

Pinasalamatan din ni Mayor Honey ang mga opisyal at kawani ng Department of Public Service (DPS) Engineering, City General Services Office (CGSO) Market Administration at Building Administration dahil sa suporta at pagtalima nila sa lingguhang paglilinis sa labas at loob ng gusali ng city hall.

Labis aniya ang kanyang pasasalamat sa mga kawani na sa halip na piliing makapiling ang kanilang pamilya tuwing araw ng Sabado at Linggo, nagtutungo pa sila sa Manila City Hall upang tumulong sa paglilinis sa kapaligiran.

Pinangunahan din ng alkalde ang mga opisyal at kawani sa pag-aalay ng munting panalangin para sa kaluluwa ng yumaong dating Pangulong Fidel V. Ramos na pumanaw nitong Linggo ng hapon makaraang maratay sa Makati Medical Center.

“Ang Lungsod ng Maynila po ay ipinararating ang ating taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng ating dating Pangulong Fidel Valdez Ramos,” pahayag ni Mayor Honey.

AUTHOR PROFILE