Default Thumbnail

Mayor Honey pinuri ang MDRRMO, nagpasalamat kay MPD chief Dizon

September 5, 2022 Edd Reyes 285 views

PINURI ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa matagumpay na inilatag ng mga plano para tumugon sa mga kalamidad sa ilalim ng umiiral na R.A. 10121 o ang “an act strengthening the Philippine Disaster Risk Reduction and Management System” na siyang lumikha ng naturang tanggapan.

Pinasalamatan din ng alkalde si MDRRMO Director Arnel Angeles sa isinagawang pagpupugay ng watawat araw ng Lunes sa kanyang pagbahagi ng nagawang pagpa-plano kabilang ang “local risk reduction management plan, climate change adaption plan” at ang “comprehensive land use plan” katuwang ang City Planning and Development Office na laging gumagabay sa kanilang mga ginagawa.

Nauna ng sinabi ni Angeles na malinaw na una aniya ito sa kasaysayan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na magkaroon ng lahat ng plano na alinsunod sa R.A. 10121.

Ayon kay Mayor Honey, lubos na ipinagmamalaki ng Lungsod ng Maynila ang nakamit na mga parangal at paglilingkod ng MDRRMO, lalo na nang pumasok ang panahon ng tag-ulan kung saan nakapagbigay sila ng wasto at sakto sa oras na mga babala at detalyadong impormasyon sa publiko para sila makapaghanda.

Binanggit din ng alkalde na sa kasalukuyan ang command center ng MDRRMO ay may sapat na kagamitan upang makatugon at makatulong sa Lungsod ng Maynila sa anumang uri ng sakuna, maging sunog, baha, lindol at iba pa.

Pinasalamatan din ng alkalde si Manila Police District (MPD) Director P/Brig. Gen. Andre Dizon, na dumalo rin sa pagpupugay ng watawat at dahil sa pagbubuhos ng tulong at kooperasyon ng kanyang kapulisan sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila at sa mga mamamayan lalo na sa pagsisimula ng face-to-face classes.

“24/7 pong minamatyagan ng pulisya ang lahat ng mga paaralan, elementary, high school, college, lalong-lalo na ang university belt area, para po masiguro nila sa mga magulang ng ating mga mag-aaral, at maging ang mga guro at estudyante sa mga paaralan na sila po ay ligtas na makakapasok at uuwi sa kanilang mga tahanan.”

“Maraming salamat po Gen. Dizon sa walang sawa po ninyong pagtugon na mapanatili natin ang ating peace and order sa ating lungsod,” ani Mayor Honey.

AUTHOR PROFILE