Default Thumbnail

Mayor Honey, pangulo ng JBros Corp. lumagda sa kasunduan sa ‘dredging’

November 9, 2022 Edd Reyes 271 views

Para sa Horizon Manila Reclamation Project

NILAGDAAN nina Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna Pangan at ni JBros Construction Corporation President Engr. Jesusito Legazpi, Jr., Martes ng hapon ang Dredgefill Extraction Operations Agreement para sa Horizon Manila Reclamation Project.

Ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ng alkalde at pinuno rin ng Mayor’s Communication Office, ito ang kauna-unahan at pinakamalaking reclamation project sa Lungsod ng Maynila, na may sukat na 419-ektarya at kabibilangan ng tatlong isla na pagtatayuan ng mga gusaling pang-industriya at komersiyo, pati na ang pabahay para sa mga residente ng Maynila.

Idinugtong pa ni Atty. Abante na ang makasaysayang kaganapan ay sinaksihan din nina Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto, Congressan Joel Chua ng ikatlong distrito ng lungsod at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod.

Magugunita na inaprubahan ang proyekto noong Disyembre 2019 ng Philippine Reclamation Authority (PRA) at noong Oktubre 2020, kinumpirma na ng JBros Construction Corp. na nakumpleto na nila ang lahat ng mga kinakailangang permiso at dokumento, kabilang ang Environmental Compliance Certificate (ECC) na dahilan upang aprubahan na ito ng Philippine Competition Commission (PCC).

Gayunman, bago pa man masimulan ang proyekto sa ikalawang bahagi ng taong 2021, iniutos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ihinto ang pagsasagawa ng malawakang reklamasyon sa Manila Bay mula Navotas City hanggang Cavite dahil sa isyu ng katiwalian.

Noong Pebrero ng kasalukuyang taon, matapos ang pakikipagpulong sa JBros Construction Corp., binigyan na rin ng “go signal” ng Pangulong Duterte ang pagpapatuloy sa proyekto matapos mapagtanto ang benepisyong makukuha rito, kabilang ang paglikha ng maraming trabaho na makakatulong para maiahon ang ekonomiya ng bansa.

Humanga umano ang dating pangulo sa Horizon plan, kabilang ang mga ilalagay na pasilidad tulad ng dalawang sunset parks, art museum, sinehan, medical center, 80 ektaryang parke, sports stadium at marami pang iba.

AUTHOR PROFILE