Default Thumbnail

2 MWPs tiklo sa magkahiwalay na lugar sa Maynila

November 8, 2022 People's Tonight 323 views

DAHIL sa pinaigting na Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO), naging maagap ang Manila Police District (MPD) Sampaloc Police Station makaraang maaresto ang dalawang “most wanted persons” (MWPs) mula sa magkahiwalay na lugar sa Sta. Mesa at Sampaloc, Maynila nitong Lunes ng hapon.

Unang inaresto pasado alas 5:10 ng hapon ng mga tauhan ni P/Lt. Col. Wilson Villaruel, station commander ng MPD Sampaloc Police Stn. 4 ang suspek na residente ng Manga St., Sampaloc dahil sa kasong qualified theft sa ilalim ng Article 310 in relation to Article 308 at 309 ng Revised Penal Code na inamiyendahan sa Republic Act 10951 (illegal possesion of firearms).

Binitbit ang suspek sa Manga Avenue sakop ng Sta. Mesa sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Mary Jane Dacara Buenaventura, ng Regional Trial Court Branch 43 ng San Fernando Pampanga na may petsang Hulyo 25, 2022 na may piyansang P90,000.

Arestado rin ang suspek na negosyante na taga Paraiso St. sa Sampaloc pasado alas 5:20 ng hapon sa Road 10 Street.

Sa pangunguna naman ni P/Capt. Rogelio Reyes, hepe ng Intelligence and Warrant Section, ang suspek ay “most wanted” sa station level.

Ang arrest warrant ay inisyu naman ni Presiding Judge Manuel Recto, ng Metropolitan Trial Court Br. 13 ng Maynila na may petsang Hulyo 5, 2010, dahil sa kasong paglabag sa Article 177 ng Revised Penal Code (Usurpation of Authority) na may piyansang P10,000.

Lubos naman ang pasasalamat at pagbati ni MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon sa mga kapulisan ng Sampaloc PS-4 sa pamumuno ni P/Lt. Col. Wilson Villaruel dahil sa mabilis na aksyon at dedikasyon sa kanilang mga tungkulin laban sa mga nagtatagong kriminal sa Lungsod ng Maynila.

AUTHOR PROFILE