Default Thumbnail

Mayor Honey, nilinaw ang ‘travel permit’ sa mga truck

March 18, 2023 Edd Reyes 183 views

BINIGYANG linaw ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang katanungan hinggil sa paniningil ng “travel permit” ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila sa mga trak na nagdaraan sa mga lansangan sa siyudad.

Isiniwalat ng alkalde ang katotohanan sa likod ng “maling paniniwala” hinggil sa pagsingil ng travel permit sa kanyang programang “The Capital Report” na napanood ng live sa opisyal na Facebook account ng pamahalaang lungsod.

“Hindi po totoo na kailangan ng travel permit kung may nagdadaang trak sa Lungsod ng Maynila, as long as yung dinadaanan po ng mga trak ay kasama sa truck route. Ibig sabihin po, yung mga dinadaanan ng trak ay puwede nilang daanan, wala hong bayad yan, wala din pong kinakailangan na travel permit na kailangang kunin,” paglilinaw ng alkalde.

Sabi pa ng alkalde, ang kinakailangang travel permit ay batay na rin sa umiiral na Ordinance No. 8611 o “An Ordinance Revising the Traffic Code of the City of Manila by Amending 1,2,” na nagbabawal sa lahat ng trak na dumaan sa hindi tamang ruta.

“Ngayon, kapag yung mga trak po ay nagdaan sa hindi naman po truck route ay tsaka lang po kayo magbabayad ng travel permit sa halagang P1,500 [fixed] price. Ayon din po yan sa ordinansa at ito po ay valid ng isang buwan para sa isang trak,” paliwanag pa ni Mayor Lacuna-Pangan.

Sinabi ng alkalde, kinakailangan ang paningingil ng travel permit sa mga trak na dumaraan sa hindi nila talagang ruta tulad ng mga secondary road para lamang umikli ang kanilang biyahe na nagreresulta naman sa pagkasira ng mga lansangan sa lungsod bunga ng mabibigat nilang kargamento.

Kadalasan aniya ay nagiging dahilan din ng pagkaputol ng mga kable ang ginagawa nilang pagdaan sa mga secondary roads dahil mataas at malaki ang kanilang sasakyan, pati na rin ang paglalagay sa panganib ng mga kabataan, bunga na rin ng kadalasang pagdaan nila sa lansangang malapit lamang sa mga paaralan.

“Meron po kasi tayong mga kababayan na gusto po yung mga shortcut, dadaan sila sa mga hindi dapat daanan. Ang nasisira po, unang una, yung kalye, eh ‘di siyempre kapag ipinagawa yan ng lungsod, gagastos po kami, saan naman po namin kukunin ang pondo?” dagdag pa ng alkalde.

Lumutang ang katanungan hinggil sa paniningil ng travel permit ng lokal na pamahalaan makaraang mapaulat sa social media ang maling impormasyon na umano’y lahat ng mga trak na daraan sa mga kalye sa Maynila ay kinakailangang magbayad ng kanilang travel permit.

AUTHOR PROFILE