Default Thumbnail

Mayor Honey inutos na isailalim sa ‘reorientation’ ang SAH staff

September 24, 2022 Edd Reyes 241 views

Upang pagbutihin ang serbiyso para sa ER patients

INATASAN ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang director ng Sta. Ana Hospital (SAH) na isailalim sa orientasyon o “reorientation” ang lahat ng mga kawani at health personnel na nakatalaga sa kanilang Emergency Room (ER).

Ang direktiba ng alkalde ay batay sa naging pag-aalala ng ilang mga pasyenteng nagtutungo sa ER ng SAH na hindi kaagad nabibigyan ng kaukulang medical na atensiyon.

“Kaya nga po pumupunta sa emergency room ang mga iyan ay kailangan nila ng agarang atensiyong medikal, so, pinaalalahanan po natin hinggil dito ang atin pong Sta. Ana Hospital,” pahayag ng alkalde sa kanyang lingguhang programang “The Capital Report” na live na napapanood sa kanyang opisyal na Facebook page Biyernes ng hapon.

Noong nakaraang Miyerkules, isa sa mga tinanong ng isang opisyal ng barangay sa Pandacan sa serye ng ginagawang “Kalinga sa Maynila” nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo Nieto ay ang naging karanasan ng ilang pasyenteng may matinding karamdaman na dumanas ng napakatagal na oras sa labas ng ER ng Sta. Ana Hospital bago bigyan ng kaukulang atensiyon.

Ipinaabot naman ni SAH Director Dr. Grace Padilla ang kanyang paghingi ng paumanhin sa minsang pagkabigo ng kanilang mga kawani sa ER na mabigyan kaagad ng atensiyon ang mga pasyenteng nagtutungo roon dahil na rin sa dami ng mga pasyenteng ngayon na pumupunta sa kanilang ospital.

“Kami po ay nagpapasalamat sa tiwalang ibinibigay ninyo dahil pumupunta po kayo sa aming ospital. Nagkakaroon po kami ng maramihang pasyenteng inaasikaso kaya po sa ngayon, ang ginagawa po ng aming pagamutan ay unti-unti naming ini-improve ang aming serbisyo kung kaya’t lahat po sana, sa abot ng aming makakaya ay ma-accommodate naming lahat, Pagpasensiyahan niyo na po kapag kung minsan, kayo po ay naghihintay pero huwag kayong mag-alala dahil kayo ay matitingnnan lahat,” pahayag ni Dr. Padilla.

Upang mabigyan pa ng karagdagang kaalaman ang publiko, sinabi naman ni Mayor Honey Lacuna na noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, lahat ng anim nilang ospital sa bawat distrito ng lungsod ay inatasan ng Department of Health (DOH) na ilaan ang kanilang mga kama sa mga pasyente lamang na may COVID-19.

Ngayon aniya na unti-unti ng nabubuksan ang pagkakaloob nila ng serbisyong medikal sa lahat ng pasyente lalo na sa mga hindi tinamaan ng COVID-19, dumagsa ang mga pasyenteng may iba’t-ibang karamdaman sa kanilang mga pagamutan kaya’t napupuno ang kanilang ER.

“Yun pong mga pasyente natin na non-Covid, tulad ng mga me sakit sa puso, sa baga, sa bato, sa tiyan, ngayon po talaga sila nagpupuntahan sa atin pong mga ospital sa kadahilanan na dati, hindi po talaga sila puwedeng pumunta, unless emergency po, kaya po sa ngayon talaga pong napakarami nating pasyente at napupuno po ang ating mga ospital, hindi po dahil sa Covid kundi dahil sa mga non-Covid na pasyente,” paliwanag pa ng alkalde.

Gayunman, sinabi ni Mayor Honey na ang mga kawani ng Manila Health Department (MHD) na nagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan ay patuloy na nagsasagawa ng lingguhang pagpupulong, sa pangunguna ni Director Dr. Arnold “Poks” Pangan, upang alamin kung paano pa nila mapapalakas ang pagkakaloob ng maayos na serbisyong pangkalusugan na ibinibigay nila sa mga Manilenyo.

AUTHOR PROFILE