Default Thumbnail

2 tiklo sa P204K shabu sa Sampaloc

September 23, 2022 Jonjon Reyes 336 views

PASOK sa selda ng Manila Police District (MPD) ang dalawang indibidwal na hinihinalang “tulak” ng droga sa isinagawang buy-bust operation, sa pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Sampaloc, Maynila, Biyernes ng madaling araw, Setyembre 23, 2022.

Ang mga naarestong suspek ay isang tubero at babaeng may alyas na “Boss” sa nasabing lugar.

Batay sa ulat ni Police Lieutenant Col. Paul Jady Doles, commander ng MPD Sampaloc Police Station 4, bandang 3:10 ng madaling araw nang ikasa ang operasyon sa loob ng bahay ng dalawa.

Ayon kay Doles, dahil sa “tip” ng impormante iniutos nito kay P/Lt. Jayson Viola, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang surveillance sa aktibidad ng dalawa sa lugar na diumano’y may talamak na bentahan ng shabu.

Pinamunuan naman ni P/Lt. Col. Jorge Meneses ng PDEA ang buy-bust operation at naging positibo ng mag-abot ng ilegal na droga ang mga suspek kapalit ng P500 marked money.

Narekober ang 9 na bulto ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 30 gramo at may street value na P204,000.

Nahaharap ang dalawa sa paglabag sa Republic Act 9165 Article 11 Section 5 at 11 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Pinuri at pinasalamatan ni MPD Director Andre P. Dizon si Doles at ang mga tauhan nito sa patuloy na pagsugpo sa ipinagbabawal na droga.

AUTHOR PROFILE