Default Thumbnail

Mayor Honey humiling ng pondo sa DPWH

September 4, 2022 Edd Reyes 334 views

Para sa konstruksiyon ng bagong gusali ng Luwalhati ng Maynila

NAGPAHAYAG ng paniniwala si Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan na tutugunan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kanyang kahilingan na maglaan ng kaukulang pondo para sa konstruksiyon ng bagong gusali ng Luwalhati ng Maynila Home for the Aged sa Marikina City.

Sinamantala ni Mayor Honey ang pagkakataong humingi ng tulong sa DPWH para sa pagpapatayo ng mas malaking gusali ng Luwalhati ng Maynila Home for the Aged na matatagpuan sa Boystown Complex sa Brgy. Parang, Marikina City matapos ang isinagawang inagurasyon ng bagong tayong Administrative and Multi-Purpose Building ng Manila Boystown Complex, isa ring pasilidad na nangangalaga at kumukupkom sa mga batang palaboy, mga pinabayaan ng pamilya, at mga bata o teenager na isinuko ng kanilang magulang dahil hindi na kayang pangalagaan.

Napag-alaman na nangako na si DPWH National Capital Region (NCR) Regional Director Nomer Abel “Nonong” Canlas kay Mayor Honey na gagawin ng ahensiya ang lahat ng nararapat na paraan upang maisama ang kaukulang pondong kinakailangan para sa konstruksiyon ng bagong gusali ng Luwalhati ng Maynila Home for the Aged sa kanilang isusumiteng panukalang budget sa Kongreso para sa susunod na taon upang matugunan ang hirit ni Mayor Honey.

“Sabi po sa atin ng DPWH, napakaganda kapag ang National Government at ang Local Government ay nagsasanib puwersa at nagtutulungan kaya humirit pa rin po tayo, sinagad-sagad na po natin, kinapalan na rin po natin ang ating mukha na sana ay madagdagan ang pondo para maisaayos natin o makapagpatayo tayo ng bagong Luwalhati ng Maynila diyan po sa Boystown Complex,” ani ng alkalde.

Aniya, isang halimbawa na rito ang konstruksiyon ng Administrative and Multi-Purpose Building sa Boystown Complex, na naisakatuparan dahil sa ibinahaging tulong ng Pambansang Pamahalaan na naglaan ng kaukulang pondo, sa pamamagitan ng DPWH, upang matustusan ang proyekto.

Ipinaliwanag pa ni Mayor Honey na mahigpit na ang pangangailangang makapagpatayo ng bagong gusali ng Luwalhati ng Maynila Home for the Aged dahil lubha na aniyang luma at maliit ang kasalukuyang pasilidad para sa lumalaking bilang ng mga matatanda na inabandona o hindi na nakatira sa kanilang sariling tahanan na ngayon ay kinukupkop at pinangangalagaan ng naturang institusyon na pinatatakbo at pinangangasiwaan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

“Ang atin pong mga senior citizens doon sa kasalukuyan ay mahigit na pong 400 kaya yun po ang specifically nire-request natin sa DPWH na sana po ay maambunan tayo ng karagdagang pondo para naman po magkaroon tayo ng panibagong tahanan para sa atin pong mga senior citizen,” pahayag pa ni Mayor Honey.

AUTHOR PROFILE