Default Thumbnail

Mayor Honey: Health protocols panatilihin ngayong ‘Ber’ months

September 6, 2022 Edd Reyes 310 views

PINAALALAHANAN ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan ang mga kawani at mamamayan ng Lungsod ng Maynila na “maghinay-hinay” sa pananabik sa pagsapit ng Pasko ngayon panahon na ng “Ber months”.

Ang paalala ni Mayor Honey ay kanyang ibinahagi sa mga dumalo sa seremonya ng pagtataas ng ng watawat nitong nakaraang Lunes matapos mapuna ang masayang reaksiyon ng mga kawani nang sabihin niya ang katagang “Ber month” na at “pasilip-silip na si Jose Mari Chan” para sila ay kantahan ng awiting Pamasko.

“Bago po tayong maging excited sa mga susunod na buwan, lalong-lalo na po sa paghahanda natin sa darating na Kapaskuhan, paalala lamang po, patuloy po nating panatilihin ang minimum health protocols para sa atin pong kaligtasan,” sabi pa ng alkalde.

Dagdag pa ng alkalde, ang COVID-19 ay nananatili pa rin sa paligid at bagama’t mababa na aniya ang bilang ng mga kaso ng nakahahawang sakit sa Lungsod ng Maynila, mas maigi pa rin ang pagiging maingat dahil wala aniyang tatalo sa pagiging “maagap”.

Ipinaalala rin ng alkalde ang palagiang pagsunod sa lahat ng panuntunang ipinaiiral ng Lungsod ng Maynila, kabilang na ang pagsusuot ng face mask na bahagi ng ipinasang ordinansa, ang pag-iwas sa pakikipag-kumpulan at palagiang paghuhugas ng kamay.

“Para po tuluyan nating maiwasan, hindi lang po ang COVID-19 kundi ang iba pang sakit gaya ng dengue dahil tag-ulan na ngayon, panatilihin nating malinis ang ating kapaligiran,” pahayag ng alkalde bago niya batiin ang pagdalo sa ginanap na seremonya ng pagtataas ng bandila ng Pilipinas nina 3rd District Congressman Joel Chua, 1st District Councilor Ernix Dionisio, at 3rd District Councilor Timothy Oliver “Tol” Zarcal.

AUTHOR PROFILE