Volcano

Mayon may bagong ‘summit lava dome’

June 10, 2023 Zaida I. Delos Reyes 266 views

ISANG bagong lava dome ang namataan sa tuktok ng nagaalburotong Mayon Volcano. Ito ang inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) batay na rin sa mga bagong larawan ng bulkan na inilabas ng ahensya.

“A new summit lava dome in the Mayon Volcano Crater emerges as its pre-existing one has been pushed out in increments that formed rockfall in the first week of June 2023,” pahayag ng Phivolcs.

Ang mga larawan ay kuha mula sa Mayon Volcano Observatory dakong 5:45 ng umaga.

Sa update na inilabas ng Phivolcs, sa loob ng 24 oras ay nakapagtala ang ahensya ng isang volcanic earthquake at 59 rockfall events.

Sinabi ni Phivolcs Director Dr. Teresito Bacolcol mas mababa ang naitalang rockfall events nitong Sabado kumpara sa 199 rockfall events na naitala mula June 8 hanggang 9.

Makikita pa rin sa tuktok ng bulkan ang crater glow o banaag.

Sa ngayon, nananatili sa alert level 3 ang bulkan. Ang ibig sabihin ay mataas pa rin ang posibilidad ng mapanganib na pagsabog.

Ayon sa Phivolcs, posibleng magkaroon ng pagguho ng bato, landslides, avalanches, ballistic fragments, pag-agos ng lava, lava fountaining, pyroclastic density currents at maliliit na pagsabog.

Sa ngayon, umabot na sa 2,400 pamilya na binubuo ng 10,000 indibidwal na naninirahan sa four-kilometer radius permanent danger zone ng Mayon Volcano ang nailikas.

Nitong Huwebes, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na handa ang gobyerno na tulungan ang mga maapektuhang pamilya ng bulkan.

Sinuspinde na rin ang lahat ng klase, pribado man o pampubliko, na nasa loob ng six-kilometer permanent danger zone, batay sa kautusan ni Governor Edcel Greco Lagman.

Nitong Biyernes, inilagay na rin sa state of calamity ang Albay dahil sa pagaalburoto ng bulkan.