Default Thumbnail

CHOP-CHOP KILLER ON THE LOOSE!

June 10, 2023 Gil Aman 338 views

Putol-putol na katawan ng biktimang babae itinapon sa ilalim ng tulay

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Natagpuan ng isang mangangalakal ang pinagputol-putol na bahagi ng katawan ng isang babae na nakabalot sa kulay itim na plastic garbage bag, matapos itapon ng hindi kilalang salarin sa ilalim ng tulay Biyernes ng umaga sa NHA Avenue, Barangay Dela Paz, Antipolo City.

Sa ulat na dumating kay Calabarzon Regional OIC IV-A Director PBGen. Carlito Gaces, kinilala ang biktima na si Lani Cabanet Loreto, nasa hustong gulang at residente ng Antipolo City.

Nadiskubre ang putol na bahagi ng katawan ng biktima ng isang namumulot ng basura dakong 11:50 ng umaga. Nakasilid sa malaking kulay itim na plastic bag ang putol na ulo, dalawang braso gayundin ang mga binti ng biktima.

Ang pagkatuklas ay agad ipinagbigay-alam sa mga awtoridad – sa chief of police ng Antipolo City gayundin sa Police Community Precint 2 commander – na agad nirespondehan ng mobile patrolers.

Base sa isinagawang imbestigasyon, lumitaw na ang biktima, ayon sa kanyang live-in partner, ay umalis noong June 7 dakong alas-8 ng gabi para bumaba sa Cogeo Gate 2 upang magtungo sa Robinsons Mall kung saan magtatagpo sila ng isang nagngangalang “alias Ate.”

Ang biktima ay hindi na nakabalik ng kanilang tahanan hanggang sa matagpuan ang bahagi ng mga katawan nito sa ilalim ng tulay sa NHA Avenue sa lungsod ng Antipolo.

Nakilala ng kanyang tiyahin ang biktima sa pamamagitan ng tattoo sa bahagi ng braso. Dahil sa tulong na rin ng sitio chairman, agad nakilala ang biktima na dati ng nagkaroon ng kaso hinggil sa illegal drugs at dati na ring nakulong sa kasong ito.

Kasalukuyang nagsasagawa ang Scene of the Crime Operatives ng imbestigasyon, habang may follow-up operation naman ang Antipolo police station para sa masusing imbestigasyon.

AUTHOR PROFILE