Default Thumbnail

P2.9M smuggled sigarilyo nasabat, 4 tiklo sa Zambo del Sur

June 10, 2023 Zaida I. Delos Reyes 188 views

APAT katao ang naaresto ng mga awtoridad matapos na maaktuhang nagbababa ng P2.9 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa Zamboanga del Sur.

Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 9, naganap ang operasyon dakong 3:12 ng hapon nitong Biyernes sa nasabing lugar.

Nagsasagawa umano ng operasyon ang mga tauhan ng CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) Zamboanga del Sur sa lugar sa tulong ng mga tauhan ng Labangan Municipal Police Station at Bureau of Internal Revenue (BIR) nang matiyempuhan ng mga ito ang mga suspek.

Nang sitahin ay walang maipakitang legal na dokumento ang mga suspek na magpapatunay na legal ang kanilang ginagawa.

Nakuha mula sa kanilang pangangalaga ang 85 master cases ng B&R brand ng sigarilyo, dalawang units ng Bongo na nagkakahalaga ng P2,975,000.

Ang mga naaresto kasama ang nakumpiskang kontrabando ay dinala sa Zamboanga del Sur CIDG para sa kaukulang dokumentasyon.