Crime

Jeepney driver, binoga sa gitna ng trapiko

June 10, 2023 Jojo C. Magsombol 251 views

TIGMAK sa dugo ang isang driver ng pampublikong jeepney matapos pagbabarilin sa iba’t-ibang parte ng katawan ng hindi pa nakikilalang salarin habang nakahinto dahil sa bigat ng trapiko sa Maharlika Highway, Barangay Sta. Anastacia, Sto. Tomas City, Batangas bandang ika-9 ng gabi, Biyernes Hunyo 9, 2023.

Isang saksi ang personal na humarap sa Sto. Tomas City Police Station personnel (CPS) bandang alas 9:30 ng gabi at inireport ang nasabing insidente, ayon sa mga pulis.

Agad namang rumesponde ang mga kapulisan sa insidente.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang biktimang drayber, habang lulan ng kanyang pampasaherong jeepney na patungong Sto. Tomas town proper ay tumigil sa dahil sa pagbigat ng daloy ng trapiko.

Dito na umano biglang nilapitan ng isang suspek ang drayber at walang habas na pinagbabaril ito na naging sanhi ng agarang kamatayan ng biktima.

Mabilis umanong tumakas ang salarin matapos ang pamamaril sakay ng isang motorsiklo patungo sa direksyon ng Calamba City.

Kasalukuyang nagsasagawa ng hot pursuit operation ang nasabing police station para sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakadakip sa suspek.

AUTHOR PROFILE