Default Thumbnail

May Pastillas Scam Na Naman?

November 20, 2021 Marlon Purification 1041 views

Marlon PurificationGUSTO nating manawagan kina Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente, lalo na kay Atty. Carlos Capulong na siyang hepe ng Ports Operations Division (POD) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Tatlong mapagkakatiwalaang source ang nagkumpirma sa atin na mukhang tuloy na naman ang ligaya ng ilang tiwaling BI employes sa NAIA 1, 2 & 3.

Kapag hindi ito naagapan hindi malayong magkaroon uli ng Pastillas Scam Version 2.

Nabatid na kasabay ng pagluwag ng pagtanggap ng pasahero mula sa labas ng bansa – foreigner o Filipino citizens man – ay siya ring pagpiyesta naman ng sindikato sa BI sa ating pambansang paliparan.

Karamihan sa mga parokyano nila ngayon ay mga Chinese nationals na balik sa POGO o Philippine Offshore Gaming Operations na alam nating dagsa sa Pilipinas bago tayo hagupitin ng pandemya noong nagdaang taon.

Wala tayo sa posisyon para kuwestiyunin ang POGO operations lalo’t legal naman ang permit ng mga ito sa pamahalaan.

Ang gusto lang nating ipanawagan sa dalawang magiting na opisyal ay ang balik sindikato umano sa NAIA na sana’y maaksiyunan nila agad-agad.

Sinabi ng ating mga source na karamihan sa Chinese nationals na pumapasok sa bansa ay matitino at legit naman ang kanilang mga Visa.

Ang medyo sabit ay ang mga supporting documents tulad ng endorsement mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), company IDs at marami pang iba na requirement ng pamahalaan para makapasok sila sa bansa.

Dati ang ibinabayad ng broker sa mga ahente at travel agency ay P40,000 bawat isang Chinese na papasok sa ‘Pinas.

Sa naturang halaga, puwede nang hindi sitahin o harangin ang banyagang papasok sa Pilipinas kahit pilipit pa ang kanilang dokumento.

Ibig sabihin, ang sabwatang nangyayari ngayon ay sa pagitan ng ilang tauhan ng BI, travel agencies at ilang ahente ng POGO.

Kung matatandaan, mahigit 40 BI employees ang sumabit sa Pastillas Scam na umano’y umabot sa P40 billion ang umikot na pera.

Ang kanilang kaso ay nasa Office of the Ombudsman pa hanggang ngayon at maaring ilabas sa mga susunod na araw o buwan.

Kasama sa naimbestigahan sa Senado ang ilang tiwaling travel agencies na hindi natin malaman kung nakaligtas ba sila sa sinampahan ng kaso ng Department of Justice (DOJ).

Sa puntong ito, nais nating hilingin kina Morente at Capulong na magtodo-higpit uli sa pagpapasok ng Chinese, lalo’t hindi tayo nakasisiguro kung mga POGO employees lang sila o may mga chemist na ng illegal na droga.

Bukod diyan, dapat higit na maingat ang BI ngayon sa mga papasok na Chinese nationals dahil hindi natin alam kung mga espiya na ba sila ng bansang Tsina, lalo’t matindi pa rin ang labanan sa agawan ng teritoryo sa South Philippine Sea.

Alam ni Commissioner Morente iyan na isang dating police general. Bukod pa sa katotohanang ang banta ng coronavirus ay nasa ating paligid pa rin at isa sa hinihinalang pinagmulan nito ay ang bansang China.

Dapat ay maging mahigpit sila sa pagbusisi sa mga malalaking travel agencies dahil hindi malayong napapalusutan na naman tayo ng sindikato na ala-Pastillas.

Sinasabing isang grupo ng mga Muslim ang nagbaba ng tara.

Ang P40K na laban para payagan ang mga ‘pekeng documents’ ng makapasok ang isang banyagang pasahero ay ibinaba naman sa halagang P20K.

Madali silang matukoy nina Gen. Morente at Atty. Capulong dahil nagpapakilala itong isang Datu.

At bago ko po makalimutan, Commissioner Morente, pati ang Recall Exclusion Order (REO) ay binebenta na rin diumano uli ng P150,000 bawat isa.

Naniniwala tayong may gagawing aksiyon tungkol dito sina Commissioner Morente.

Huwag sana nating kalimutan na ilang buwan na lang ang Pangulong Duterte at hindi malayong naghahanap sila ngayon ng mailalantad sa publiko para patunayang bawal na bawal ang korapsiyon sa Duterte administration.

Mas maganda po na sa mga ganitong panahon bago ang 2022 presidential elections ay magkaroon ng magandang legacy ang BI sa ilalim ng pamamahala ni Commissioner Morente.

At ang legacy na ito ay bago umalis ang magiting na opisyal ay maibangon niya ang nasisirang masamang imahe ng Bureau of Immigration.

Alam kong aayon dito si Atty. Capulong.