Default Thumbnail

May notice sa SC si Mayor Abby?

June 14, 2023 Allan L. Encarnacion 208 views

Allan EncarnacionNAKATANGGAP daw si Mayor Abby Binay ng notice mula sa Korte Suprema para sa oral argument sa isyu ng territorial dispute sa pagitan ng Taguig City at Makati City.

Mismong si SC spokesman, Atty. Brian Keith Hosaka ang nagkumpirma na walang inilalabas na anumang notice ang mataas na korte para sa anumang litigasyon sa isyu ng territorial dispute sa dalawang lungsod. Kinumpirma ng SC spokesperson na final and executory na ang desisyon ng highest trIbunal na nagdedeklarang pag-aari ng Taguig City ang Bonifacio Global City.

Ibig sabihin, tapos na, sarado na ang isyu, wala nang dapat pag-usapan, wala nang dahilan para sa anumang argumento.

Nito lang nakaraang Abril 2023, kinatigan ng SC na ang 729 ektarya ng BGC kasama na ang iba pang barangay sa Makati ay sakop ng Taguig City.

Sa desisyon ng mataas na hukuman na isinulat ni Justice Ricardo R. Rosario, ginawa na nitong permanente ang 1994 injunction na inisyu ng Pasig City RTC na pumipigil sa Makati City government na pamahalaan ang BGC, kasama na ang tinatawag na Inner Fort na kinabibilangan ng Barangays Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo at Pitogo.

Sa mahabang panahon, “sleeping territory” naman ang BGC area subalit nang pamahalaan ng Taguig local government, sa pangunguna nila Mayor/Congresswoman Lani Cayetano at Mayor Lino; naging world class ito at sentro na ngayon ng financial district ng bansa.

Iyong binabanggit ni Mayor Binay na Omnibus motion nila ay techinically ay nabasura na rin dahil sa April 2023 final ruling ng SC na kumakatig sa Taguig bilang may ganap na karapatan sa lugar.

Kung may natanggap na notice for oral argument si Mayor Binay, ang karaniwang proseso ay makakatanggap din dapat ng notice ang party-in-interest na Taguig City.

Sinabi na rin ng Taguig City government na wala silang natatanggap na notice.

Kung kinumpirma na ng SC PIO na si Atty. Hosaka na wala silang inilalabas na notice at sinabi na rin ng Taguig na wala silang natanggap na notice, hindi kaya notice ng laundry delivery ang natanggap ni Mayor Binay?

***

Nagpadala sa atin ng mensahe ang mga miyembro ng Cafgu na gusto nilang ipanawagan sa bagong hirang na Defense Chief na si Secretary Gibo Teodoro.

Umaapela silang maitaas ang kanilang mga tinatanggap na allowances, iba pang benefits at magkaroon din sila ng Christmas bonus sa tuwing matatapos ang taon tulad din ng mga tinatanggap ng mga regular soldiers.

May mga pamilya rin ang mga Cafgu at may mga anak na pinag-aaral kaya dapat lang na maisama sila sa kalendaryo ng pondo ng Defense department. Dapat nga maging iskolar ng pamahalaan ang kanilang mga anak para bawas na rin sa gastos nila.

Sa mga millennial na hindi nakakaalam, ang Cafgu ay ang Citizens Armed Forces Geogprahical Units na nasa iba’t ibang parte ng ating bansa. Sila ang katuwang ng ating AFP mula sa intelligence gatherings hanggang sa pagpapanatili ng peace and order sa mga kanayunan.

Tanggapin nating hindi sila katulad ng mga regular soldiers ng AFP pero huwag din nating kalimutan ang mahalagang papel nila sa kaayusan ng ating bansa.

Sa tingin natin, kahit hindi maipantay sa sahod, allowances at benefits ng mga sundalo ang tatanggapin ng Cafgu, dapat man lang ay sasapat sa pangangailangan nila at ng kanilang pamilya.

Nanawagan din sila kay Secretary Gibo na maging ATM na rin ang sistema ng pasahod sa kanila upang hindi na sila kailangang gumastos para magtungo sa mga kampo or kung saan mang pay master, lalo na kung sa mga liblib na lugar sila naka-assign.

[email protected]