Heat Source: Tingog FB

Matinding init tatagal hanggang Mayo

April 10, 2024 Melnie Ragasa-limena 62 views

INIHAYAG ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na tatagal pa ang mararanasang mas mainding init na temperatura hanggang kalagitnaan ng Mayo ngayon taon.

Iniulat ng PAGASA ang heat index ay lumampas sa 40 °C sa iba’t ibang lugar sa bansa tulad ng Camarines Provinces, Palawan, Cavite City, at Zamboanga City na nakaranas ng 42-43 degrees Celsius heat indexes.

Ang Dagupan City ay nakapagtala ng 44ºC heat index nitong Miyerkoles.

Sinabi ni PAGASA Weather Specialist Benison Estareja na maaaring magtala ang Metro Manila ng 40-41°C heat index ngayong Huwebes, Abril 11.

“Kung pagbabasehan natin ‘yung climatological normal, ‘yung ating heat index, by the end of April, possible pa ring maglaro between 42 to 48 °C. Posibleng umabot ng 48 °C sa ilang mga lugar.

Nangyari na rin ito noong nagdaang taon. And then pagsapit ng Mayo, may mga lugar na naglalaro between 48 hanggang 51 degrees Celsius ng ating heat index,” paliwanag ni Estareja sa isang panayam.

Ayon sa PAGASA, sa mga lugar na nakakaranas ng heat index mula 42°C hanggang 51°C, posibleng magkaroon ng heat cramp at heat exhaustion, at may posibilidad rin na magka- heat stroke kung patuloy ang pagkakalantad.

Kabilang sa mga sintomas sa heat-related illnesses ay ang matinding pagpapawis, pagkahapo o pagkapagod, pagkahilo, mahina ngunit mabilis na pulso, pakiramdam ng pagduduwal, at pagsusuka.